5K sumbong ng harassment, ‘di makataong paniningil ng utang natanggap ng DOJ

5K sumbong ng harassment, ‘di makataong paniningil ng utang natanggap ng DOJ

December 26, 2022 @ 4:54 PM 1 month ago


MANILA, Philippines – Nakatanggap na ng halos 5,000 sumbong ang Department of Justice kaugnay ng mga ulat ng harassment at hindi makataong paniningil ng utang mula 2020 hanggang 2022.

Ito ang sinabi ni Justice Secretary Jesus Crispin Remulla nitong Lunes, Disyembre 26 kasabay ng media briefing ng SIM Registration Act.

Ani Remulla, ang kanilang Office of Cybercrime ay nakatanggap na ng kabuuang 4,899 na sumbong dahil sa harassment at labag sa batas na paniningil ng utang mula sa mga online lending companies kung saan ang pananakot ay isinasagawa sa pamamagitan ng tawag o text.

“[W]e are fully supportive of the SIM Registration Act and its IRR because this will address one of the common challenges in the investigation and prosecution of cybercrime and cyber-related cases,” aniya.

Mula naman sa datos ng National Prosecution Service, sinabi nito na ang disposition rate ng ahensya na may kinalaman sa cybercrime at cyber-related cases ay tumaas mula sa 601 na kaso noong 2020 sa 1,218 na kaso nitong 2022.

May 30% naman ng convinction rate ang naitala ngayong taon kumpara sa 25% noong 2020.

“We are hopeful that with the full implementation of the law, these case disposition and conviction rates will be further improved,” sinabi pa ni Remulla.

Samantala, umaasa naman siya na mas madaling matutukoy ang mga sexual offenders at mga biktima ng online sexual abuse at exploitation ng mga bata sa bagong hakbang ng pagpaparehistro ng SIM card.

Aniya, karamihan sa mga pera na may kinalaman sa child pornography ay ipinadadaan sa money changers at remittance centers.

“Given that remittance transactions require mobile numbers of senders and receivers, offenders or victims may easily be identified and located using mobile numbers in potential OSAEC cases,” pagabahagi ni Remulla. RNT/JGC