5M dayuhang turista target ngayong taon

5M dayuhang turista target ngayong taon

January 19, 2023 @ 5:33 PM 2 weeks ago


MANILA, Philippines – Target ng bansa na magkaroon ng halos 5 milyon na dayuhang turista ngayong taon.

Ito ang ibinahagi ng Department of Tourism nitong Huwebes, Enero 19 kung saan noong 2022 ay nakatanggap ng 2.6 milyon na turista ang bansa.

“As far as is 2023 is concerned, the target is to double that number to around a minimum of 4.8 million tourists,” sinabi ni Tourism Secretary Christina Frasco sa panayam ng ANC.

Ani Frasco, para maabot ang target na ito ay ipinatupad ng pamahalaan ang eTravel o ang one-stop electronic declaration system ng bansa na pumalit sa One Health Pass.

Nakikipagtulungan naman ang DOT sa Department of Transportation upang mapabuti pa ang mga paliparan sa bansa tulad ng Ninoy Aquino International Airport Terminal 2, Cebu City Pier 1 at Davao International Airport.

Naglunsad din aniya ang ahensya ng iba pang programa tulad ng “Philippine Experience” at “Bisita Be My Guest” upang mapausbong pa ang turismo ng bansa.

“The effort is to ensure that the Philippines is open and ready to receive tourists all over the world,” ani Frasco.

“We far exceeded this target by almost a million arrivals especially considering that we’ve only reopened our borders in February of 2022,” dagdag niya. RNT/JGC