5M regular at kabataan na botante, target mairehistro ng Comelec

5M regular at kabataan na botante, target mairehistro ng Comelec

October 14, 2022 @ 8:18 AM 2 months ago


MANILA, Philippines – Sinisikap ng Commission on Elections (Comelec) na irehistro at isagawa ang activation ng nasa 5 milyong regular at kabataang botante sa anim na buwang voter registration period na magsisimula sa huling linggo ng Nobyembre.

Sa press briefing nitong Huwebes, Oktubre 13 ay humingi ng tulong si Comelec Chairperson George Erwin Garcia sa mga opisyal ng barangay at Sangguniang Kabataan na himukin ang kanilang nasasakupan na magparehistro.

“Support us in our voter education information, because in the end, with more voters participating, it would only mean that we have a successful election,” sabi ni Garcia.

Aniya, ang mga pagbabago sa mga aktibidad sa halalan ay isasama sa isang resolusyon na kanilang ilalabas.

Inihayag ito ni Garcia nang kumpirmahin ang pagpapatuloy ng voter registration activities matapos mailipat sa huling Lunes ng Oktubre sa susunod na taon ang Barangay at Sangguniang Kabataan Elections (BSKEs) mula Disyembre 2022.

Ang pagpaparehistro ng botante ay tatakbo hanggang sa huling linggo ng Mayo, 2023.

Samantala, iniulat ni Garcia na nakapag-imprenta na sila ng mahigit limang milyong balota ng BSKE na may petsang Disyembre 5, 2022.

Dagdag pa niya, maglalabas sila ng resolusyon na magbibigay-daan sa paggamit ng mga balota sa Oktubre 2023 BSKE. Jocelyn Tabangcura-Domenden