5M target sa ‘Bayanihan, Bakunahan 3’ ‘di naabot

5M target sa ‘Bayanihan, Bakunahan 3’ ‘di naabot

February 19, 2022 @ 3:39 PM 4 months ago


MANILA, Philippines – Nakapagbakuna lang ang gobyerno ng nasa 3.5 milyong indibidwal laban sa COVID-19 sa pagtatapos ng third wave ng “Bayanihan Bakunahan” program mula Pebrero 10-18.

Sinabi ni Health Usec Maria Rosario Vergeire sa Laging Handa briefing na ang bilang ng nabakunahan sa panahon ng mass vaccination drive ay kulang sa target ng gobyerno na limang milyon.

“Bagamat hindi natin na-achieve ‘yung five million na ating target, ating ikinagagalak pa rin natin na mayron tayong achievement na 3.5 million nakadagdag sa antas ng pagbabakuna sa ating bansa,” ani Vergeire

Ang Bayanihan, Bakunahan III na orihinal na itinakda mula Pbrero 10 hanggang 11 ay pinalawig hanggang Pebrero 18.

Ayon kay Vergeire, nahati ag mga healthcare workers para sa Bayanihan , Bakunahan at pagbabakuna sa mga bata kaya hindi naabot ang target.

Dagdag pa ni Vergeire, na ang bilang ng healthcare workers para sa mass vaccination drive ay nabawasan dahil sa health-related duties at karamihan din ay tinamaan ng COVID-19.

Gayunman, sinabi ni Vergeire na 62.3 milyong Pilipino ang ganap na nabakunahan laban sa COVID-19 o 69.8% ng 77 milyong target.(Jocelyn Tabangcura-Domenden)