6 bayan sa Apayao ‘critical risk’ sa COVID

6 bayan sa Apayao ‘critical risk’ sa COVID

January 24, 2022 @ 10:36 AM 8 months ago


APAYAO – Nasa “critical risk” sa COVID-19 ang anim sa pitong munisipalidad sa lalawigan ng Apayao na nasa Alert Level 3.

Ayon kay Dr. Mark Joleen Calban, Provincial Health Officer,nakitaan ng pagtaas ng two-week growth rate ng mga bagong kaso ng COVID-19 ang bayan ng Flora, Sta. Marcela, Pudtol, Luna, Conner at Cabugao habang nasa ‘High Risk ang bayan ng Calanasan.

Umaabot na sa 311 ang active cases ng lalawigan, o mga pasyenteng ginagamot at nagpapagaling na pawang nasa mild at moderate ang kalagayan.

Karamihan sa mga nahawaan ng virus ay may travel history sa ibang bayan o nalantad sa positibong kaso at close contact.

Kaugnay nito, muling naghigpit ang lalawigan bilang preventive measure upang mapigilan pa ang pagkalat ng nakahahawang sakit.

Ang mga pasyenteng moderate to severe ay tatanggapin lamang sa kanilang dalawang Level 1 hospital; ang mild na kaso ay sa limang district hospitals habang ang mga asymptomatic na pasyente ay ilalagay sa Temporary Treatment and Monitoring Facilities ng bawat LGUs.

Iniutos rin ang pagtatalaga ng isang safety officer at pagkakaroon ng Safety Seal Certification sa bawat negosyo at tanggapan ng gubyerno para siguruhing nasusunod ang health protocols.

Kaugnay nito, hinigpitan na rin ang boarder control lalo na sa mga indibidwal na hindi pa nababakunahan; pagtest sa mga nakararanas ng sintomas; pagpapalakas sa contact tracing at pagpaalala sa pagsunod sa minimum health protocol. Rey Velasco