6 BOC officials sinibak sa pwesto sa pagpuslit ng asukal

6 BOC officials sinibak sa pwesto sa pagpuslit ng asukal

August 24, 2022 @ 2:10 PM 1 month ago


MANILA, Philippines- Sinibak sa pwesto ang anim na tauhan ng Bureau of Customs (BOC) dahil sa umano’y smuggling ng asukal sa Port of Subic.

Ito ang ipinahayag ni Press Secretary Trixie Cruz-Angeles sa ginanap na pulong balitaan ngayong araw kung saan inilipat ang mga ito sa Office of the Commissioner habang nakabinbin ang imbestigasyon sa nasabing insidente.

Nabatid sa Office of the Press Secretary (OPS) na may nagtangkang ipuslit ang humigit-kumulang 140,000 bag ng asukal mula sa Thailand noong nakaraang linggo sa nasabing daungan.

Batay sa inisyal na imbestigasyon, ginamit umano ang recycled permit para sa pag-aangkat ng mga asukal.

Samantala, nagsagawa ng sorpresang pagiinspeksyon ang mga awtoridad sa mga bodega sa Cagayan de Oro na pinaghihinalaang nag-iimbak ng asukal, ayon na din sa OPS nitong Miyerkules.

Ginamit ng mga operatiba ng BOC ang kanilang visitorial powers sa isang bodega na pag-aari ng Crystal Sugar Milling Inc. sa North Poblacion.

Isinagawa ang operasyon matapos makatanggap ng intelligence report ang mga awtoridad na sangkot umano sa sugar hoarding ang may-ari.

Sinabi ng Customs Intelligence and Investigation Service na may kabuuang 466,142 sako ng asukal ang kasama sa kanilang imbentaryo kasunod ng operasyon sa nasabing bodega. JAY Reyes