6% GDP growth, ikinalungkot ng Malacañang

6% GDP growth, ikinalungkot ng Malacañang

August 9, 2018 @ 4:03 PM 4 years ago


 

Manila, Philippines – Nalungkot ang Malakanyang sa naitalang 6% GDP growth sa ikalawang quarter ng 2018.

Sinabi ni Presidential spokesperson Harry Roque na labis na nalungkot ang Malakanyang  sa bagay na ito dahil bigo ang gobyernong makamit ang target na GDP growth na 7 hanggang 8%.

READ: Paglago ng ekonomiya ng bansa sa 2nd quarter, bumagal sa 6%

Matatandaang, nauna nang sinabi ni Socioeconomic Planning Secretary Ernesto Pernia na ang pagbagal sa GDP growth ay maaaring dahil sa ilang polisiya na isinusulong ng administrasyong Duterte gaya ng pansamantalang pagsasara ng isla ng Boracay, na nakaapekto sa ekonomiya ng bansa.

Subalit para kay Sec. Roque, ang temporary closure ng Boracay ay ‘justified’ o naipaliwanag na sa lahat.

Hindi aniya dapat tingnan ang nangyari sa Boracay mula sa “economic, financial point of view.”

Magkagayon man, kung talagang bumaba ang GDP dahil sa intensyon ni Pangulong Rodrigo Duterte na protektahan ang kalikasan, ani Roque “then so be it.”

Tinatayang, anim na buwang nakasara ang isla ng Boracay para sa rehabilitasyon, batay sa utos ng punong ehekutibo.

Sinabi pa ni Sec. Roque  na hindi naman nakakabahala ang 6% GDP growth dahil kung tutuusin ay mataas pa rin ito.

Sa kabila nito, tiniyak ni Sec. Roque na gagawin ng gobyernong Duterte ang lahat ng makakaya nito upang makabawi at makamtam ang target growth. (Kris Jose)