6 hinihinalang biktima ng crypto trafficking nasabat sa Pampanga

6 hinihinalang biktima ng crypto trafficking nasabat sa Pampanga

January 22, 2023 @ 8:39 AM 6 days ago


MANILA, Philippines – Nasagip ng mga awtoridad ang anim na Filipino na biyaheng Cambodia na hinihinalang na-recruit ng crypto traffickers sa
Clark International Airport sa Pampanga.

Sa pahayag ng Bureau of Immigration nitong Sabado, Enero 21, napigilan ng mga ito ang anim na indibidwal na sumakay sa kanilang flight noong nakaraang Linggo.

“They admitted that they will be working in a call center in Cambodia and were recruited through Facebook,” ayon kay BI travel control and enforcement unit (TCEU) acting head Ann Camille Mina.

Nagpresenta rin umano ang mga ito ng pekeng return tickets.

Dagdag pa, sinabi ni BI Commissioner Norman Tansingco na ang anim ay nakapagbigay ng hindi tugmang sagot sa kanilang initial interview na nagpanggap bilang turista pero magtatrabaho naman pala sa ibang bansa.

Nagpanggap din umano ang mga ito na magkakakilala pero hindi maipaliwanag kung paano at kailan.

Ayon sa BI, sinuspinde na nila ang immigration officer na nagpalusot sa anim, habang nagpapatuloy ang imbestigasyon.

Nangako naman si Tansingco na tutugisin nila ang mga empleyado ng BI na sangkot sa trafficking pati na ang recruiter ng anim na biktima.

Mayroon na silang tatlong persons of interest sa kasong ito. RNT/JGC