6 kotong-cops sa vendors sisibakin

6 kotong-cops sa vendors sisibakin

June 3, 2022 @ 2:12 PM 3 weeks ago


MANILA, Philippines- Inirekomenda ng Philippine National Police—Internal Affairs Service (PNP-IAS) ang pagtatanggal sa serbisyo sa anim na pulis-Caloocan na umano’y kumuha ng P14,000 mula sa isang vendor nitong Marso, batay sa ulat nitong Biyernes.

Sinabi ni IAS chief Atty. Alfegar Triambulo na ipinadala ang rekomendasyon sa Directorate for Personnel and Records Management – Discipline, Law, and Order Division nitong Martes.

Kinilala ng PNP ang mga pulis na sina Police Corporals Noel Espejo Sison, Rommel Toribio, Ryan Sammy Gomez Mateo, Jake Barcenilla Rosima, Mark Christian Abarca Cabanilla, at Daryl Calija Sablay ng Caloocan City Police Drug Enforcement Unit.

Ayon kay Triambulo, guilty sa grave misconduct ang mga pulis matapos mang-harass ng tindero na kinilalang si Eddie Yuson at kuhanin ang kanyang pera batay sa kuha sa CCTV.

Dagdag paniya, hindi nagpaliwanag ang mga pulis ukol sa kanilang naging aksyon sa tindero.

Sakaling aprubahan ni PNP officer-in-charge Police Lieutenant General Vicente Danao Jr. ang rekomendasyon, hindi na makatatanggap ng mga benepisyo ang nim na pulis at hindi na rin makakapanungkulan sa gobyerno.

Bukod sa administrative cases, nahaharap din ang mga pulis sa robbery complaint na isinampa ng tindero.

Matatandaang kinuha umano ng mga naturang pulis ang P14,000 ni Yuson na cash aid mula sa pamahalaan habang siya ay nasa daan para bumili ng pagkain para sa kanyang mga anak.

Batay naman sa pglalahad ng mga pulis, hiningi lamang nila ang ID ng biktima matapos itong mapansin na pagala-gala sa lugar kung saan nagsasagwa ng anti-illegal drug operation.

Umamin ang mga pulis na nasaktan nila ang biktima subalit itinangging ninakawan ito. RNT/SA