6 labi sa bumagsak na Cessna plane sa Isabela narekober na

6 labi sa bumagsak na Cessna plane sa Isabela narekober na

March 12, 2023 @ 4:20 PM 3 weeks ago


DIVILACAN, ISABELA-Narekober at tuluyan ng naibaba na sa Divilacan proper ang mga labi ng limang pasahero at isang piloto ng bumagsak na cessna 206 Plane sa Brgy. Ditarum, Divilacan, Isabela bandang alas 12:54 ng tanghali ngayong araw, Marso 12, 2023.

Kasabay nito ay lumipad na rin ang Philippine Air Force sa Divilacan proper upang kunin at maibiyahe patungong Cauayan City Airport ang mga narekober na labi ng mga sakay ng bumagsak na eroplano.

Ayon kay IMT Commander  Atty. Constante Foronda Jr., kampante ang retrieval team nasa Divilacan proper na ang mga labi ng anim na biktima kung saan naghihintay ang second team.

Ang second team na ang magbibiyahe sa mga labi patungong Cauayan City Airport gamit ang air assets ng PAF.

Posibleng maibibiyahe na ang mga labi, papuntang Cauayan City Airport kapag tuloy-tuloy na maganda ang panahon.

Matandaan na huwebes ng hapon nang tunguhin ng retrieval team ang crash site para sa tuluyang pagbababa sa mga labi.

Sa pagtaya ng IMT noon ay tatlong araw, para sa retrieval operations, ngunit dahil sa patuloy na pag ulan at matatarik na kabundukan na kailangang daanan kung saan ay naging pahirapan ang pagbababa at pagbibiyahe sa mga ito.

Bagamat wala ng buhay nang marekober ang mga labi ng anim na sakay ng eroplano ay nagpapasalamat pa rin ang mga kaanak ng mga ito sa IMT lalo sa mga nagsagawa ng search and retrieval operation.

Samantala, nakatakdang magbigay ng tulong pinansyal si Isabela Gov. Rodito Albano III sa mga naulila ng anim na biktima na labis na nakidalamhati sa mga ito. Rey Velasco