6 Manila hospitals tatanggap lamang ng malalang COVID cases- Isko

6 Manila hospitals tatanggap lamang ng malalang COVID cases- Isko

January 11, 2022 @ 1:00 PM 7 months ago


MANILA, Philippines- Naglabas ng direktiba si Manila Mayor Isko Moreno Domagoso na tanging ang mga “severe”, “critical” at “mild with comorbidity” na kondisyon na lang ng mga COVID-19 patient ang i-aadmit sa anim na district hospital sa lungsod ng Maynila.

Ang nasabing direktiba ay bunsod sa patuloy na pagtaas ng aktibong kaso ng COVID-19 dulot ng omicron variant sa lungsod.

Kabilang sa anim na district hospital ng Maynila ay ang Gat Andres Bonifacio Memorial Hospital, Ospital ng Tondo, Justice Abad Santos Medical Center, Ospital ng Sampaloc, Sta. Ana Hospital, at ang Bagong Ospital ng Maynila.

“Para naman sa ganun, magamit natin yung ospital for its original purpose – bigyan ng tamang atensyon yung ibang sakit na dumadapo sa ating mga kababayan, tulad ng cancer, sakit sa puso, mga diabetic o nangangailangan ng dialysis, nanganganak o yung mga sanggol,” ani Domagoso.

Ang mga asymptomatic o nakakaranas ng napaka banayad na sintomas ay hihilingin na ihiwalay na lamang ang kanilang mga sarili sa kanilang mga tahanan kung mayroon silang available na espasyo.

Para sa mga walang puwang para sa maayos na paghihiwalay, dadalhin sila sa iba’t ibang pasilidad ng quarantine sa lungsod, kabilang ang bagong gawang quarantine facility sa Araullo High School na matatagpuan sa Taft Avenue corner United Nations Avenue.

“Kasi po pag bubuhos ng bubuhos ang pagtanggap ng Covid-19 patients na mild but healthy pesons, ay mauubusan po tayo ng espasyo at resources para sa ibang mga sakit. Ito po ay magdudulot ng pagkasawi ng ating mga kababayan na hindi naman Covid-19. They need also ample care o proper care,” ani Domagoso na kabilang sa mga kumakandidato bilang Pangulo ng bansa sa darating na 2022 national election.

Batay sa pinakahuling datos ng Manila Health Department nitong Lunes, Enero 10, nakapagtala sila ng may 1,760 aktibong kaso ng COVID-19. JAY Reyes