6 marijuana cultivation sites nadiskubre, winasak sa Ilocos

6 marijuana cultivation sites nadiskubre, winasak sa Ilocos

March 18, 2023 @ 1:00 PM 7 days ago


ILOCOS SUR- Anim na plantation site ang nadiskubre at winasak ng mga awtoridad sa magkahiwalay na lugar sa bayan ng Sugpon ng lalawigang ito kahapon, Marso 17.

Nabatid na nagsasagawa ng marijuana eradication operations sa may disputed boundaries sa Brgy. Licungan, Sugpon, Ilocos Sur ang Team A ng mga pinagsanib na pwersa ng RPDEU1 (lead unit), RMFB1, Ilocos Sur 1st PMFC, Sugpon MPS, Alilem MPS, RID, PDEA RO1, PDEA LUPO, PDEA ISPO at PAOCC nang madiskubre nila ang tatlong marijuana plantation sites.

Ang tatlong site na may lawak na 3,100 sqm ay natatamnam ng humigit-kumulang sa 21,700 na fully grown marijuana plants na may DDB value na P4,340,000.

Nakadiskubre naman ang Team B ng grupo ng tatlong marijuana plantation site sa may disputed boundaries sa Sitio Nakneng, Brgy. Caoayan.

Humigit-kumulang naman sa 4,750 na fully grown marijuana plants ang nakatanim sa mga naturang sites na may lawak 950 sqm. Tinatayang nagkakahalaga ito ng P950,000.

Agad na pinagbubunot at sinunog ng mga awtoridad ang mga nadiskubreng marijuana plants.

Sa kabuuan, umaabot ng P5, 290,000 ang halaga ng mga fully grown marijuana plants mula sa anim na plantation sites.

Walang naaresto ang mga awtoridad na marijuana cultivator mula sa mga nadiskubreng taniman ng marijuana. Rolando S. Gamoso