6 Minda airports pamamahalaan na ng BARMM

6 Minda airports pamamahalaan na ng BARMM

January 13, 2023 @ 7:45 AM 4 weeks ago


BANGSAMORO – Pamamahalaan na ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) ang anim na paliparan sa Mindanao, ayon sa Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) nitong Huwebes.

Sa isang pahayag, sinabi ng CAAP na inilipat nito ang pamamahala ng Awang Airport sa Maguindanao del Norte, Wao at Malabang Airport sa Lanao del Sur, Sanga-Sanga Airport at Mapun Airstrip sa Tawi-Tawi, at Jolo Airport sa Sulu sa BARMM Ministry of Transportation and Communications (MOTC) sa isang seremonya noong Miyerkules.

Ang turnover ceremony ay sinaksihan nina CAAP Intelligence and Investigation Division Acting Chief BGen. Dionisio Robles (Ret.) at BARMM Chief Minister Ahod Ebrahim.

Matatandaang lumagda ang dalawang ahensya sa isang memorandum of agreement noong Setyembre 2022, na inilipat ang mga ari-arian at tungkulin ng CAAP sa BARMM MOTC alinsunod sa pagpapatupad ng Bangsamoro Organic Law na nagtatatag sa institusyon ng BARMM.

Sa turnover, ang BARMM MOTC ay magpapadali sa land side management ng airport kabilang ang operasyon at pamamahala ng passenger terminal building, administrative building, at vehicular parking area habang ang CAAP naman ay mananatili sa air side management at control sa airport. RNT