6 miyembro ng CAFGU patay sa engkwentro

6 miyembro ng CAFGU patay sa engkwentro

December 10, 2022 @ 10:15 AM 2 months ago


ALEOSAN, Cotabato — Patay ang anim na miyembro ng Civilian Armed Forces Geographical Unit (CAFGU) matapos lusubin ang mga ito ng mga armadong kalalakihan kahapon ng hapon sa bayang ito.

Kinilala ni Colonel Donald Gumiran, commander ng 602nd Infantry Brigade PA ang isa mga nasawi na si Raul Santillana habang inaalam pa ang pagkakakilanlan ng lima nitong kasamahan at lahat ay nasa ilalim ng superbisyon ng Army’s 90th Infantry Battalion.

Batay sa report ng Aleosan Municipal Police Station, dakong alas-2:30 ng hapon nang maganap ang bakbakan ilang metro ang layo sa kampo ng mga biktima sa pagitan ng Barangay Tapodoc at Bualan ng naturang bayan.

Sa paunang imbestigasyon, unang pinagbabaril ng mga hindi pa kilalang mga suspek si Santillana kaya mabilis na rumesponde ang mga iba pa nitong mga kasamahan at nauwi sa palitan ng putok na ikinamatay na lima pang CAFGU.

Matapos ang krimen mabilis na nagsitakas ang mga suspek sa hindi malamang direksyon.

Habang sinusulat ang ulat na ito ay nagpapatuloy ang ginagawang imbestigasyon ng militar at pulisya. Mary Anne Sapico