6 na drug suspects, tiklo sa drug ops sa Valenzuela

6 na drug suspects, tiklo sa drug ops sa Valenzuela

November 11, 2022 @ 3:53 PM 3 weeks ago


MANILA, Philippines – Swak sa selda ang anim na hinihinalang drug personalities kabilang ang dalawang bebot matapos masakote sa magkahiwalay na drug operation ng pulisya sa Valenzuela City.

Base ss isinumiteng report ni PCpl Pamela Joy Catalla kay Valenzuela Police chief Col. Salvador Destura Jr, dakong alas-7:30 ng gabi nang magsagawa ang mga operatiba ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) sa pangunguna ni PLT Joel Madregalejo ng buy bust operation sa No. 13, Oreta Subd., Brgy. Maysan na nagresulta sa pagkakaaresto kay Arzon Evangelista, 31 at Charlie Acosta, 50, matapos bintaban ng P300 halaga ng droga si PCpl Noriel Boco na nagsilbi bilang poseur-buyer.

Inaresto rin ng mga operatiba si Evangeline Marquez, 44 at Crisel Carino, 34, na sinasabing kapwa umiiskor ng droga kay Evangelista.

Narekober sa mga suspek ang humigi’t kumulang sa 5 gramo ng hinihinalang shabu na may standard drug price P34,000, P300 marked money, P290 seized money, dalawang cellphones at coin purse.

Dakong alas-8:45 naman ng gabi nang madakip din ng kabilang team ng SDEU sa pangunguna ni PSSg Gabby Migano si Ace Recto alyas “Toleng”, 25, construction worker matapos maaktuhan may iniabot umano na isang plastic sachet ng hinihinalang shabu kay John Paul Arzadon, 24, isinagawang validation sa San Francisco St., Area 5 Pinalagad, Brgy. Malinta.

Ayon kay PSSg Ana Liza Antonio, nasamsam sa mga suspek ang tatlong transparent plastic sachets na naglalaman ng nasa 3 grams ng hinihinalang shabu na may standard drug price P20,400 at P200 recovered money.

Mahaharap ang mga suspek sa kasong paglabag sa RA 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002. R.A Marquez