6 NPA patay sa sagupaan sa N. Samar

6 NPA patay sa sagupaan sa N. Samar

November 24, 2022 @ 9:56 AM 2 weeks ago


NORTHERN SAMAR- PATAY ang anim na miyembro ng rebeldeng New People’s Army (NPA) matapos makipagbarilan sa tropa ng pamahalaan sa Las Navas, Northern Samar.

Ayon kay Capt. Valben Almirante, tagapagsalita ng Philippine Army’s 803rd Infantry Brigade, nakubkob ng militar ang kuta ng higit sa 60 kasapi ng NPA sa nasabing lugar.

Pagdating sa lugar agad silang sinalubong ng mga putok mula sa matataas na kalibre ng armas at napilitan ang tropa ng pamahalaan na nagpakawala ng ‘close air support and artillery fires’ dahil napalibutan rin ng ipinagbabawal na anti-personnel mines ang nasabing lugar.

Makalipas ang ilang minutong bakbakan mabilis na tumakas ang ibang rebeldeng NPA ng makitang marami na sa kanila ang nalagas habang ang iba ay sugatan .

Narekober ng militar sa lugar ng engkuwentro ang 16 na armas at mga personal na kagamitan ng mga rebelde.

Sinabi ng militar sa tulong ng mga residente natunton nila ang kuta ng mga rebeldeng grupo sa ilalim ng NPA Eastern Visayas Regional Party Committee na responsablela sa pag-atake sa barangay Dorillo, Jipapad, Eastern Samar na ikinamatay ng dalawang sundalo at ikinasugat ng 10-anyos na bata.

Ang dalawang sundalo na nasawi ay itinalaga sa lugar para mag-monitor sa ginagawang proyekto ng pamahalaan.

Siniguro naman ni Philippine Army’s 8th Infantry Division commander Maj. Gen. Camilo Ligayo, na hindi na makakapasok pa ang mga rebelde sa mga liblib na lugar ng nasabing bayan partikular na sa barangay Imelda. Mary Anne Sapico