6 online seller timbog sa entrapment ops sa Pasay

6 online seller timbog sa entrapment ops sa Pasay

January 25, 2023 @ 12:13 PM 2 days ago


MANILA, Philippines – Anim na online sellers ang nasakote ng mga tauhan ng Pasay City police sa isinagawang entrapment operations dahil sa pagbebenta ng mga ito ng mga ninakaw na ready-to-wear (RTW) items na nagkakahalaga ng P148,500.

Kinilala ni bagong talagang Pasay City police chief P/Col. Froilan Uy ang mga arestadong suspects na sina Paula Sarah Khan, 35; Hasnoden Baguan, 43; Hannah Mae Moraca, 24, sales agent; Najib Paniorutan, 22, online seller; Abdari Abdul, 20, helper; at Geraldine Alzona, 20.

Ayon sa report na natanggap ni Uy, matagumpay na naisagawa ng mga tauhan ng the Station Investigation and Detective Management Section (SIDMS) ang entrapment operation dakong alas 11:30 ng gabi sa isang apartment na tinutuluyan ng mga suspects sa Barangay 183, Villamor Pasay City.

Sinabi ni Uy na nag-ugat ang pagkakasa ng entrapment operation laban sa mga suspects dahil sa reklamo na kanilang natanggap mula kay Kowsar Abdul, 59, na isang Bangladeshi na di-umano’y nagmamay-ari ng mga ninakaw na RTW na ibinebenta sa online ng mga suspects.

Sinabi ni Abdul sa pulisya na ang mga RTW items ay ninakaw nitong Enero 18 sa kanyang warehouse sa Pedro Gil St., Manila at kanyang Nakita na ibinebenta ng kanyang empleyadong si Jennifer, 33, sa online.

Ayon kay Uy, makaraang makuha ang detalye kay Abdul ay agad na nagsagawa ng entrapment operation ang SIDMS kung saan kinontak si Jennifer ng nagpanggap na buyer na biktima para sa kanilang pagkikita na nagresulta ng pagkakaaresto sa mga suspects at pagrekober ng 15 kahon ng mga nakaw na RTW items.

Nahaharap sa kasong paglabag sa Anti-Fencing Law ang mga suspects na kasalukuyang nakapiit sa custodial facility ng Pasay City Police Station (CPS). James I. Catapusan