6 pang persons of interest sa Salilig hazing case gusto nang sumuko – Remulla

6 pang persons of interest sa Salilig hazing case gusto nang sumuko – Remulla

March 10, 2023 @ 4:41 PM 3 weeks ago


MANILA, Philippines – Anim pang persons of interest sa kaso ng pagkamatay ni Adamson University student John Matthew Salilig ang nais nang sumuko.

“May anim pa na gustong sumuko sa hazing cases,” ani Justice Secretary Jesus Crispin Remulla nitong Biyernes, Marso 10.

Nang tanungin kung bakit ngayon lang sila susuko, tugon ni Remulla ay dahil ito sa kakulangan ng mga abogado.

Ani Public Attorney’s Office (PAO) chief Persida Acosta, hindi tutulungan ng kanyang ahensya ang mga fraternity members na sangkot sa hazing at pagkamatay ni Salilig dahil sa conflict of interest makaraang unang lumapit sa kanila ang pamilya ng biktima.

“Kaya itong conflict of interest, we have to work it out that there should, of course, be a limit [to] the involvement of the PAO so they can also cater to the defendants in cases,” ani Remulla.

“Kasi kailangan pa rin ng right to counsel. It’s a constitutional right. That’s why it’s— the more paramount mandate of the PAO is to serve as counsel for poor litigants so that the [legal] process will continue,” pagpapatuloy niya.

Matatandaan na noong Pebrero 28 ay natagpuan ang bangkay ni Salilig na nakalibing sa bakanteng lote sa Imus, Cavite isang linggo matapos itong ideklarang nawawala.

Sa pagdinig naman ng Senado nitong Martes, Marso 7, sinabi ng witness na nagdesisyon ang mga miyembro ng Tau Gamma Phi na huwag nang dalhin sa Salilig sa ospital sa kabila na nakararanas ito ng seizure matapos ang welcoming rites ng naturang fraternity.

Naghain na ng reklamong paglabag sa Anti-Hazing Law ang pulisya laban sa anim na mga sangkot sa pagkamatay ni Salilig.

Ikakasa naman ngayong Biyernes, Marso 10 ang unang preliminary investigation sa Department of Justice. RNT/JGC