6 patay, 500 sapul sa Cholera outbreak sa DavOr

6 patay, 500 sapul sa Cholera outbreak sa DavOr

February 8, 2022 @ 8:05 AM 8 months ago


MANILA, Philippines – Patay ang anim na katao sa cholera outbreak sa bayan ng Caraga sa Davao Oriental na nagsimula noong nakaraang linggo, base sa kumprimasyon ng lokal na pamahalaan.

Base sa datos na ipinadala sa Philippine News Agency, umabot na sa 491 ang kabuuang naiulat na kaso ng cholera sa bayan na nagsimula noong Enero 31.

Sa bilang, 84 na indibidwal ang isinugod sa iba’t ibang ospital sa lalawigan.

Sinabi ni Karen Lou Deloso, ang provincial information officer, na nagsimula ang provincial health office (PHO) na makatanggap ng mga ulat ng mga residenteng nakararanas ng diarrhea noong Enero 29 kung saan karamihan sa mga pasyente ay nakaranas ng mga sintomas tulad ng loose bowel movement (LBM), pagsusuka, at pananakit ng tiyan.

Sinabi niya kamakailan na kinumpirma ng Department of Health mula sa mga isinumiteng sample na ang diarrhea outbreak ay sanhi ng kolera.

Ang kolera ay seryoso at lubos na nakakahawang sakit na nakukuha sa pamamagitan ng kontaminadong tubig o pagkain.

Ang PHO, sa pangunguna ni Dr. Reden Bersaldo, ay agad na naglunsad ng malawakang emergency health response upang matugunan ang patuloy na pagsiklab ng kolera sa munisipalidad ng Caraga.

Ipinakalat din ng pamahalaang panlalawigan ang unang batch ng mga tauhan mula sa Disaster Risk Reduction and Management (DRRM) sa Health Response sa Waterborne Disease Outbreak upang dagdagan ang cholera outbreak response team ng local government unit (LGU).

Ang pangkat na may 21 tauhan ng PHO ay binubuo ng mga doktor, nars, sanitary inspector, at support staff.

“Kabilang sa aktibong pagsubaybay ang isang house-to-house survey ng mga pamilya upang masuri ang katayuan ng hydration. Ang PVO, sa pamamagitan ng DRRM-Health unit nito, ay tutulong sa pagtatayo ng Operation Center sa LGU,” ani Bersaldo.

Noong nakaraang linggo, nagbigay ang pamahalaang panlalawigan ng mga suplay, gamot, at iba pang logistik sa apektadong LGU.

Bukod sa pagbibigay ng mga medikal na suplay at karagdagang lakas-tao, iniutos din ni Governor Nelson Dayanghirang ang mga kinauukulang tanggapan na tulungan ang mga pamilya ng mga namatay sa outbreak.

Hindi pa pinag-uusapan ng Sangguniang Bayan ng Caraga ang deklarasyon ng munisipyo ng state of calamity. RNT