6 patay sa engkwentro ng pulisya, magnanakaw sa Cotabato

6 patay sa engkwentro ng pulisya, magnanakaw sa Cotabato

November 25, 2022 @ 5:07 PM 4 days ago


MANILA, Philippines – Anim na katao kabilang ang isang pulis ang nasawi sa nangyaring barilan makaraan ang isang robbery incident sa M’lang, Cotabato nitong Miyerkules, Nobyembre 23.

Ito ang sinabi ni Philippine National Police chief Police General Rodolfo Azurin Jr. nitong Biyernes, Nobyembre 25 kung saan sa kasalukuyan ay tinutugis pa ng pulisya ang walong natitirang mga suspek.

“Ongoing ang hot pursuit operation natin. Patuloy ang paghahabol ng ating kapulisan sa walong pang suspects na nagholdap sa bakery at tsaka arozcaldohan,” sinabi ni Azurin.

Ayon sa Police Regional Office 12, apat na suspek, isang PNP personnel at isang sibilyan ang napatay sa barilan.

Mayroon din umanong dalawa pang pulis at dalawang sibilyan ang sugatan.

Kinilala ang dalawa sa mga nasawi na sina Police Staff Sergeant Rudy Amihan at Jack Gumilao, isang sibilyan.

Nitong Miyerkules ng hapon ay nilooban ng 12 armadong indibidwal ang isang bakery sa Barangay Bagontapay at kinuha ang P17,000 halaga ng cash at pagkatapos ay bimaril pa ang dalawang customer nito na sina Gumilao at Jose Patlubay.

Sumibat ang mga ito at nakaengkwentro ng pulisya sa isang checkpoint operation sa Barangay Gaunan. RNT/JGC