6 pinugutan sa giyera sa droga

6 pinugutan sa giyera sa droga

April 1, 2022 @ 3:10 PM 3 months ago


MEXICO CITY – Pinugutan ang anim katao saka inilagay ang ulo ng mga ito sa ibabaw ng sasakyan habang isinilid sa plastic ang katawan ng mga ito sa estado ng Guerrero.

Ayon sa mga awtoridad, naganap ang pangyayari sa Chilapa at maaaring gawa umano ang mga ito ng mga naglalabanang grupo ng mga drug cartel na naglipana sa nasabing lugar.

Kaugnay nito, binira ni Mexico President Andres Manuel Lopez Obrador ang mga istasyon ng telebisyon na nagpapalabas ng mga pelikula ukol sa droga bilang kahanga-hanga o kaakit-akit sa buhay gaano man kasama ang mga ito.

Partikular na tinukoy ni Obrador ang mga lumalabas na pelikula sa Netflix na nagpapakita ng marangyang buhay ng mga drug trafficker na may magagandang babae, may magagarang sasakyan, may mamahaling kasuotan at alahas, may kapangyarihan at iba pa.

Nakaeengganyo umano ang mga palabas na ito sa mga mamamayan upang sumabak sa buhay-droga, lalo na sa parte ng mga kabataan na nasisira ang mga buhay makaraan.

Ipinaliwanag ni Obrador na nagaganap ito maging sa United States na kapitbansa ng Mexico at ikinamamatay ng libo-libong kabataan taon-taon.

Napag-alamang sunod-sunod ang mga pagpatay, kasama na ang mga pagpugot, at pagbibitin ng mga bangkay sa mga tulay o pagtambak sa mga sasakyan, habang may mga ibinabaon naman sa lupa nang maramihan.

Sinasabing umabot na sa nasa 340,000 ang namamatay sa giyera sa droga na inilunsad ng pamahalaan simula pa noong 2006 na mga militar ang ginagamit ng pamahalaan para sugpuin ang mga drug cartel at patayan. RNT