6 pulis-Caloocan kinasuhan ng tinderong ninakawan

6 pulis-Caloocan kinasuhan ng tinderong ninakawan

April 7, 2022 @ 3:32 PM 3 months ago


MANILA, Philippines – Kinumpirma ng Caloocan City Police na naghain na ng reklamo ang tindero laban sa anim na pulis-Caloocan na tumangay sa kanyang P14,000 cash.

Sabi ni Caloocal Police chief Sam Mina, halos limang araw nilang kinumbinse ang complainant na si Eddie Yuson para magsampa ng reklamo laban sa mga pulis.

Lunes nang hapon nang maisampa ang reklamo.

Itinanggi naman ng mga akusado ang alegasyong robbery pero aminado silang sinaktan nila si Yuson.

Kinilala ang mga pulis na sina Police Corporals Noel Espejo Sison, Rommel Toribio,  Ryan Sammy Gomez Mateo, Jake Barcenilla Rosima, Mark Christian Abarca Cabanilla, at Daryl Calija Sablay.

Sila ay miyembro ng Drug Enforcement Unit ng Caloocan City Police Station.

Marso 27, bibili lang sana si Yuson ng pagkain para sa hapunan ng kanyang mga anak nang bigla umano siyang kornerin ng mga pulis at nag-inspeksyon sa kanyang bag.

Dito na aniya kinuha ng mga pulis ang P14,000 na dala-dala ng biktima na napag-alamang ayuda pa galing sa gobyerno.

Nakuhanan ng CCTV ang insidente kung saan makikitang kinakalkal ng mga pulis ang wallet ng biktima at pinalo pa ito sa ulo.

Depensa naman ng mga pulis, hiningan nila ng ID si Yuson matapos nilang mapansin na pagala-gala ito sa lugar kung saan sila nagsasagawa ng anti-illegal drug operation.

“They vehemently denied the accusation…Kasi sabi lang nila, chineck nila yung body bag nya. Kasi umaaligid siya sa legitimate na anti-drug operations. Standard procedure nila na i-verify kung sino siya, chineck body bag nya, Kinuha IDs nya,” anang Mina.

Samantala, ayon kay Mina, magkakilala ang asset ng anti-drug operation, na noo’y nasa loob ng sasakyan ng mga pulis at si Yuson.

Dinisarmahan na ang mga pulis at kasalukuyan na silang nasa restrictive custody. RNT/ JCM