6 pulis-Caloocan na sangkot sa pagnanakaw ‘di bumoto sa takot na resbakan

6 pulis-Caloocan na sangkot sa pagnanakaw ‘di bumoto sa takot na resbakan

May 9, 2022 @ 3:40 PM 2 months ago


MANILA, Philippines – Tumanggi ang anim na pulis ng Caloocan City Police Station na isinailalim sa restrictive custody dahil sa umano’y pagkakasangkot nila sa insidente ng robbery noong Marso 27, 2022 na gamitin ang kanilang karapatang bumoto noong Lunes.

Ang anim na pulis na kinilalang sina Noel Sison, Rommel Toribio, Ryan Sammy Mateo, Jake Rosima, Mark Christian Cabanilla at Daryl Sablay, pawang may mga ranggong P/Corporal, ay lumagda sa blotter na nagsasaad ng kanilang kawalan ng interes na gamitin ang kanilang karapatan sa pagboto sa kabila ng pagsisikap na ginawa ng mga tauhan ng District Special Operation Unit (DSOU) ng Northern Police District (NPD) na tulungan sila.

Ikinatuwiran ng mga pulis na ang polling precinct kung saan kailangan nilang bumoto ay malapit lamang sa lugar kung saan nakatira ang nagrereklamo at ang kanyang mga kamag-anak.

Ang mga sangkot na pulis na dinisarmahan ng kanilang mga service firearm ay kasalukuyang nasa ilalim ng mahigpit na kustodiya ng DSOU sa pamumuno ni P/Lt. Col. Jay Dimaandal kasunod ng administratibong reklamo para sa grave misconduct na inihain laban sa kanila ng Philippine National Police (PNP) sa pamamagitan ng Internal Affairs Service nito.

Sa ngayon, walang kasong kriminal ang isinampa laban sa anim na pulis matapos magpakita ng kawalan ng interes na magsampa ng reklamo laban sa mga pulis ang kanilang biktima, isang 39-anyos na sidewalk vendor na kinilalang si Eddie Yuson.

Gayunman, lumabas sa isang CCTV footage na nag-viral na ang biktima ay sinakta at hinalughog sa kanyang mga personal na gamit ng mga pulis na pawang nakatalaga sa Caloocan Police Station Drug Enforcement Unit (SDEU) saka kinuha umano ang kanyang pera na nagkakahalaga ng P14,000.00 na ibinigay sa kanya ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa tulong ni Caloocan Rep. Dale “Along” Malapitan.

Ang relief order laban sa anim na pulis ay nagmula sa hierarchy ng PNP upang magkaroon ng patas na imbestigasyon. Boysan Buenaventura