6 pulis Laguna, kabilang ang  isang opisyal, sumuko sa kasong “planting of evidences”

6 pulis Laguna, kabilang ang  isang opisyal, sumuko sa kasong “planting of evidences”

June 23, 2018 @ 5:24 PM 4 years ago


Laguna – Sumuko na umano ang anim na aktibong miyembro ng Philippine National Police (PNP) kabilang ang isang opisyal makaraang ipag-utos ng korte ang pag-aresto sa kanila kaugnay ng kinahaharap nilang kaso.

Kabilang sa mga nagsisuko kahapon ay sina Police Sr. Insp. Christopher Geronimo, Buenavista, Quezon; Police Officer 2 Anthony Macario, Naic, Cavite; PO2 Rommel Lavina, regional intelligence unit; PO2 Jerickson San Francisco, Laguna police office at PO1 Dessagues Matorres ng Alaminos, Laguna.

Ang mga nabanggit ay una nang kinasuhan kaugnay sa ginawang pagplanta ng ebidensya o planting of evidence sa dalawang drug personalities noong taong 2015 habang isinasagawa ang buy bust operation.

Isa pang pulis na nakilalang si Saudimar Diaz na umano’y nasibak na sa serbisyo kaugnay ng kaso.

Napag-alaman na si Sr. Insp. Geronimo at lima pang dawit sa kaso ay boluntaryong sumuko sa tanggapan ni Laguna police chief Supt. Giovannie Martinez nitong araw ng Biyernes (June 22).

Bago ang pagsuko ng mga pulis ay una nang naglabas ng warrant of arrest ang Regional Trial Court (RTC) branch 31 sa kasong “planting of evidences” at arbitrary detention sa dalawang illegal drug suspect noong 2015.

Batay sa report, nakatalaga ang mga suspek sa Laguna police station noon nang isagawa ang operasyon kina Jonathan Escudero at Benjo Mayod dahil sa pagtutulak ng mga ito ng shabu.

Subalit base sa kuha ng CCTV sa lugar ay walang buy bust operation na nangyari.

Kapwa naghain ng reklamo sina Escudero at Mayod sa office of the Ombudsman na dahilan naman ng paglabas ng resolusyon sa pag-isyu ng warrant laban sa mga pulis.

Kasalukuyang nakakulong sa Laguna police station detention cell ang mga pulis matapos ma garantiya ang kanilang kaligtasan doon. (Jeff Gallos)