6 sangkot sa pagpatay kay Salilig, sinampahan na ng kaso

6 sangkot sa pagpatay kay Salilig, sinampahan na ng kaso

March 3, 2023 @ 7:42 AM 4 weeks ago


MANILA, Philippines- Nagsampa na ng reklamong paglabag sa Anti-Hazing Law ang Biñan City police laban sa anim na indibidwal na sangkot sa pagkamatay ni Adamson University student John Matthew Salilig.

Sinabi ni Police Lieutenant Colonel Virgilio Jopia, acting chief of police ng Philippine National Police-Biñan, na kabilang sa complainant ang kapatid ni Salilig, si John Michael, at isang nagngangalang Roi dela Cruz, ang neophyte na tumukoy sa mga suspek.

“Sinampa natin yung kaso at siyempre in-exercise nila ‘yung rights nila for preliminary investigation. So while waiting for their counteraffidavit, under custody natin sila,” pahayag ni Jopia sa ambush interview kasunod ng inquest proceedings sa Department of Justice.

Sinabi ni Jopia na binigyan ang mga suspek ng palugit hanggang March 10 para magsumite ng kanilang counter-affidavits.

Samantala, ayon kay Jopia, isa sa anim na suspek ang nagsumite ng kanilang extrajudicial confession.

“Isa lang sa anim ang nagbigay ng extrajudicial confession. Siya ‘yung unang nag-report sa atin sa Manila Police District at siya rin yung willing na nagsabi ng lahat ng participants doon sa initiation rites,” pahayag ni Police Colonel Randy Silvio, hepe ng Criminal Investigation and Detection Group-National Capital Region, sa ulat.

“It is still the determination and then approval of the court regarding kung magiging [if he will be made a] state witness,” ayon kay Jopia.

Hindi naman nagbigay ng komento ang anim na suspek kasunod ng kanilang inquest.

Natagpuan ang bangkay ng 24-anyos na si Salilig na nakalibing sa bakanteng lote sa Imus, Cavite nitong Martes, mahigit isang linggo matapos siyang huling makitang buhay.

Ayon pa kay Silvio, nagsampa na ng reklamong obstruction of justice laban sa ama ng isa sa persons of interest sa kaso.

“Nag re-request po yung counsel nila na bilisan para makapag bail kasi meron pong karamdaman din yung suspect natin, parang high-blood siya, para makalabas na po at ma-attendan din ‘yung kaso ng anak niya,” ani Silvio.

“At nag signify din po siya na pag labas niya eh balak niya isuko yung anak niya… yung may ari nung Ford Everest,” dagdag niya.

Base kay Silvio, ilang suspek ang umiyak sa inquest proceedings.

“Kanina po, nakita natin na may mga umiiyak doon during the inquest proceeding eh. Kaya makikita mo yung pagsisisi rin nila. At sa tingin ko baka during the trial, baka magbago rin ang isip nila at makipag-cooperate rin,” pahayaga niya.

 Aniya pa, nasa 10 persons of interest pa ang tinutugis.

Matatandaang isa sa mga indibidwal na sangkot umano sa paglilibing kay Salilig ang sumuko sa mga awtoridad.

“Kanina merong sumuko sa Cavite, sa ating provincial director ng Cavite at ito ay sinundo na ng Biñan investigation team at ito ay dadalhin na doon sa ating himpilan upang mag undergo sa investigation,” ani Jopia.

“Siya ‘yung designated master initiator,” dagdag niya.

Samantala, nangalap ang mga awtoridad ng mas maraming ebidensya sa lugar na pinangyarihan umano ng hazing kay Salilig.

Itinuro ng dalawang persons of interest pointed ang residential area sa Muñoz Compound, Barangay Casili, Biñan, Laguna, ayon sa ulat.

Base sa imbestigasyon, naganap ang fraternity initiation rites sa ikalawang palapag ng bahay na under construction pa.

“Yung taas na ‘yun ay unfinished house ng may ari, kaya medyo magulo. Itong compound na ito, isa ito sa mga pinaka-tahimik sa lugar,” pahayag ni barangay captain James Cerda.

Inihayag ng mga pulis na nakakuha sila ng bagong ebidensya sa site.

“Yung narekober sa bahay, may initial samples collected for DNA analysis: alleged stain, at cigarette butt, at sili po. Additional evidence po na nagpapatunay na kung mag-positive doon sa DNA analysis, o galing ‘yan sa victim natin o suspek, malalaman natin,” sabi ni Silvio.

Kinumpirma naman ng isang source na ang bahay ay pagmamay-ari ng ama ng isa sa anim na persons of interest na kinukwestiyon ng Biñan police.

Sinabi ng ama, na isang barangay kagawad, na wala siyang alam hinggil sa insidente at nangakong makikipagtulungan sa mga awtoridad.

“Nasa barangay po ako, naka duty ako. Hindi ko alam, after four days doon ko lang nalaman,” aniya.

Isa sa persons of interest ang nagsabing nagpatugtog nang malakas ang fraternity members noong gabi ng initiation rites.

Batay sa imbestigasyon, buhay pa si Salilig nang ilabas sa nasabing lugar.

“Ang initiation rites is 1 p.m. to 3 p.m., pero umalis sila sa bahay around 7 p.m. na. So nung kinarga po yata, medyo iba na ang hitsura ng victim,” ani Laguna Police director Police Colonel Randy Glenn Silvio.

Umapele naman si John Michael Salilig, kapatid ng biktima, sa mga nakasaksi sa insidente na tulungan silang makuha ang hustisya para sa kanyang kapatid.

“Andoon po ‘yung gigil, andoon po ‘yung galit, andoon ‘yung eagerness na andiyan ‘yung mga residente, magkakadikit lang. In spite of it, matagal namin makakuha ng mga leads. Walang po yatang gustong magsalita, ‘yun po ‘yung question namin in mind na bakit po ganoon,” giit niya. RNT/SA