6 siyentistang magsasaka ng Cavite kinilala sa kauna-unahang urban vegetable garden

6 siyentistang magsasaka ng Cavite kinilala sa kauna-unahang urban vegetable garden

January 14, 2021 @ 7:23 PM 5 days ago

  •  
  •  
  •  

Manila, Philippines – Bilang pagkilala sa kanilang kontribusyon sa matagumpay na proyektong urban vegetable farming kinilala ng Department of Agrarian Reform (DAR) ang anim na siyentistang magsasaka ng Cavite na kusang-loob na tumulong sa pagtataguyod ng kauna-unahan at matagumpay na proyektong urban vegetable gardening na isinulong ng DAR kamakailan sa lupaing nasasakupan ng Saint John Bosco Parish sa Tondo, Manila na dating ginagamit bilang football field.

Kinilala ni DAR-Cavite provincial agrarian reform program officer James Arthur Dubongco ang mga nasabing siyentistang magsasaka na sina Joselito Tibayan, Allan Marjes Tibayan at Roberto Mojica, pawang mga opisyales ng Palanque Agrarian Reform Cooperative sa Naic; Danilo Arnes at Mario Profeta ng Tres Cruces Agrarian Reform Beneficiaries Farmers Association; at Teresita Villanueva ng Barangay Bunga Farmers Association sa Tanza.

Ayon sa DAR pinasalamatan ang mga naturang siyentistang magsasaka sa pagbabahagi ng kanilang kaalaman sa pagsasaka sa mga residenteng ng mga barangay sa paligid ng Saint John Bosco Parish na nakisama sa pagtataguyod ng nasabing urban gardening na tinaguriang “Buhay sa Gulay” ni DAR Secretary  John R. Castriciones.

“Ang inyo pong talent at husay sa larangan ng pagsasaka ay hindi ninyo ipinagkait. Ang inyong pagtugon ang naging hudyat para sa ikatatagumpay ng nasabing proyekto. Salamat po sa inyong oras at kaalaman,” ani Dubongco.

Isinulong ni Castriciones nang nasabing proyekto sa pakikipagtulungan ni Fr. Gaudencio Carandang, ang kura paroko ng Saint John Bosco Parish, makaraan mapansin ng una ang nakatiwangwang na football field habang siya at mga kapwa opisyales ng DAR ay namamahagi ng pake-paketeng pagkain dalawang Buwan na ang nakararaan sa mga residenteng naninirahan sa paligid ng simbahan.

Ang DAR ang nagbigay ng pananim, abono at pestisidyo, at nagpahiram ng tractor at iba pang gamit sa pagsasaka para linangin ang nasabing lote, habang ang mga residente ng mga barangay, pangunguna ng kanilang punong barangay, and nagboluntaryo para magtanim at mangalaga sa nasabing proyektong gulayan sa kalunsuran.  (Santi Celario)


  •  
  •  
  •  

Loading...