Home METRO Tsino timbog sa kasong robbery at attempted homicide sa Pasay

Tsino timbog sa kasong robbery at attempted homicide sa Pasay

MANILA, Philippines – Arestado ng mga tauhan ng Warrant and Subpoena Section (WSS) at Investigation and Detective Management Section (IDMS) ng Pasay City police ang isang Tsino na nahaharap sa tatlong kaso ng attempted homicide at robbery Biyernes ng madaling araw, Pebrero 9.

Sa report ni Pasay City police chief P/Col. Mario Mayames, Jr. sa Southern Police District (SPD) ay kinilala ang nadakip na suspect sa alyas lamang na “Ching,” 25.

Ayon kay Mayames, naganap ang pagdakip sa suspect dakong alas 1:30 ng madaling araw sa kahabaan ng Macapagal Avenue, Barangay 76 Zone 10, Pasay City.

Sinabi ni Mayames na si alyas Ching ay tinaguriang top six most wanted person dahil sa tatlong kaso ng attempted homicide at robbery.

Ang pagdakip sa suspect ay naisakatuparan sa bisa ng warrant of arrest na inisyu nitong Oktubre 13, 2023 ni Pasay City Metropolitan Trial Court (METC) Judge Janello A. Covarrubias ng Branch 47 kaugnay sa tatlong kaso ng attempted homicide na may kaukulang piyansa na P72,000.

Bukod sa inisyung warrant ng Branch 47 ay nag-isyu rin ng warrant of arrest si Pasay City Regional Trial Court (RTC) Judge Elenita C. Dimaguila ng Branch 298 noong nakaraang Hulyo 6, 2023 na may kaakibat na rekomendasyon ng piyansa sa halagang P72,000 para sa pansamantalang kalayaan ng suspect.

Kasalukuyang nakapiit sa custodial facility ng Pasay City police ang suspect habang naghihintay ng commitment order ng korte para sa paglipat ng kanyang pagkukulungan sa Pasay City jail. James I. Catapusan

Previous article3rd joint patrol isinagawa ng US, PH sa WPS
Next articleDating PH envoy to UN Lauro Baja Jr., pumanaw na