6 tumba sa pandemya sa Malabon, Navotas,Valenzuela

6 tumba sa pandemya sa Malabon, Navotas,Valenzuela

September 15, 2020 @ 3:16 PM 1 week ago

  •  
  •  
  •  

Manila, Philippines – Umabot na sa 171 ang namamatay sa COVID-19 sa Valenzuela City matapos na tatlo ang mamatay sa nakalipas na dalawang araw, ayon sa City Health Office-City Epidemiology and Surveillance Unit (CESU).

Napag-alaman sa CESU, 6,132 na ang confirmed cases sa lungsod.  1,067 dito ang active cases at 4,894 na ang gumaling hanggang 10 pm ng Setyembre 14.

Sa kaparehong oras noong Setyembre 12 ay 5,906 ang confirmed cases sa lungsod, 1,069 ang active cases, 4,669 ang nakarekober at 168 pa lamang ang namamatay.

Sinabi naman ni Mayor Rex Gatchalian na ang pagpapatupad sa “No QR Code No Entry”  sa establisimyento sa lungsod ay pinaaga at sisimulan na sa Oktubre 5 ng taong kasalukuyan,

“We have three weeks pa to download. Plenty of time. Visit https://valtrace.appcase.net/ and download your #ValTrace QR Code for free,” anang alkalde.

Sa kabilang dako, ayon sa Malabon City Health Department, dalawang pasyente mula sa Barangay Acacia at Tonsuya ang namatay dahil sa COVID-19 kamakalawa, Setyembre 14 at umakyat na sa 170 ang COVID death toll ng lungsod.

Bukod dito, nadagdagan ng 54 ang confirmed cases sa lungsod at sa kabuuan ay 4,576 ang positive cases, 525 dito ang active cases. Dumami naman ng 32 ang mga gumaling at umakyat na sa 3,881 ang recovered patients ng siyudad.

Samantala sa Navotas, nadagdagan ng 11 ang positibong kaso ng COVID-19 at isa sa mga ito ang namatay, habang 43 ang gumaling. Umabot na sa 4,689 ang tinamaan ng COVID sa Navotas.  Sa bilang na ito, 4,216 na ang gumaling, 341 ang active cases at 132 na ang namatay. Merly Iral


  •  
  •  
  •  

Loading...