6 YEARS NA WALA PANG PLAKA

6 YEARS NA WALA PANG PLAKA

February 10, 2022 @ 10:04 AM 8 months ago


NAKATITIYAK ako na ang karanasan ni Cristuz Vivo ng Batangas City sa kamay ng mga ‘mabubulaklak’ na  bungangang car dealer  sa bansa ay nararanasan din ng iba – hindi dalawa, hindi tatlo kundi napakarami talaga.

Mahigit anim na taon na mula nang mabili ang kanyang Duramax Trailblazer sa sangay ng kompanyang Chevrolet Philippines sa Diversion Road, Brgy. Balagtas, Batangas City, nguni’t magpahanggang ngayon ay wala pa itong plaka.

Ayon kay Cristuz, taong 2016 nang makuha ang naturang sasak­yan sa pamamagitan ng 5-year scheme payment. Aniya, isa sa ipinangako ng naturang car dealer ay ang madaliang pagkuha sa lahat ng dokumento, kasama ang plaka.

Pero lumipas ang isang taon, hanggang dumating ang anim na taon ay nananatiling hindi napapasakamay ang plaka.

Puro pangako lang ang kompanya kapag sumasadya si Cristuz sa opisina nito.

Ganyan naman talaga ang mga car dealer.

Mabulaklak ang mga bunga­nga kapag nililigawan ang gusto nilang mabentahan ng kanilang produktong sasakyan, pero kapag nabentahan na, aba’y para na silang dahong makahiya.

Kaya sa mga nagnanais kumuha ng sasakyan, kailangan niyong kilatisin ang lumalapit na car dea­lers dahil sa galing ng pambobola, naku eh baka matulad kayo sa na­ging karanasan ni Cristuz sa Chevrolet Philippines.

Kung sabagay, ako nga mismo ay naging biktima rin, pero hindi nga lang nagtagal na katulad ng naging karanasan ni Cristuz dahil ‘di ako nagpadaig – kinulit ko ang car company kaya nakuha ko ang plaka.

Perwisyo ang sasakyang walang plaka dahil piniperwisyo ka rin ng enterprising traffic enforcers na nagkalat sa daan.

Kapag napagtripan ka, aba’y huhulihin ka, hindi dahil may violation ka kundi dahil gusto ka nilang kotongan.

Mabuti lang kong matapang-tapang ka at igigiit mo ang sa iyo. Pero yaong mga car owner na nagmamadali dahil sa trabaho o isang appointment, para lang makawala na, sila’y nagbibigay na lang ng padulas sa mga ganid na enforcer.

Ang karanasan ni Cristuz ay lalala pa dahil tiyak na  darami pa ang mga mabibiktima kaya ang suhestiyon natin sa pamahalaan – partikular ang Land Transportation Office – kumilos naman kayo dahil trabaho n’yo yan.

Teka, ‘di kaya ang problema sa plaka ay sa LTO?

Paging LTO chief Edgar Galvante, daming reklamo, sir, sa plaka.