60% ng Pinoy pabor sa SIM card registration law

60% ng Pinoy pabor sa SIM card registration law

November 4, 2022 @ 7:39 AM 4 weeks ago


MANILA, Philippines – Halos 60% ng mga Pinoy ang pabor sa SIM Card Registration Law.

Ito ang lumabas sa latest survey ng Social Weather Stations kung saan 17% ng mga kalahok ang nagsabi na sila ay hindi pabor samantala 23% naman ang hindi pa nakakapagdesisyon o undecided.

Ang survey ay isinagawa sa pagitan ng Setyembre 29 hanggang Oktubre 2 o isang linggo bago pirmahan ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang naturang panukala bilang isang batas noong Oktubre 10.

Mayroon itong natanggap na 44% net approval.

Naitala sa Balance Luzon ang pinakamataas na net approval sa 47% kasunod ang Mindanao sa 45%, Metro Manila at Visayas sa 34%.

Sa ilalim ng SIM Card Registration Law, binibigyan ang mga public telecommunication entities at direct sellers ng mandato na iobliga ang mga bibili na magpakita ng valid photo ID bago bumili ng SIM card at ang mga kasalukuyan naman subscribers ay dapat na irehistro ang kanilang mga numero.

Samantala, sa 66% ng mga respondents na pabor sa SIM card registration, naniniwala ang mga ito na malalabanan nito ang mga krimen gamit ang cellphone samantala tanging 10% ang nagsabi na hindi nito kayang pigilan ang mga naturang krimen.

Nagresulta ito sa net belief score na 56%.

Tanging 48% ng mga Pinoy naman ang naniniwala na ang mga SIM card sellers ay mapagkakatiwalaan sa kanilang mga pribadong impormasyon, 20% naman ang kontra dito at 33% ang undecided para sa net agreement score na 28%.

Ang non-commissioned SWS poll ay ikinasa sa pamamagitan ng face-to-face interviews na may 1,500 indibidwal edad 18 taong gulang pataas sa buong bansa.

Sa nasabing bilang, tig-300 respondents ang kinuha sa Metro Manila, Visayas, at Mindanao at 600 naman sa Balance Luzon. RNT/JGC