60% ng PNP officials nagbitiw na sa pwesto

60% ng PNP officials nagbitiw na sa pwesto

January 10, 2023 @ 11:31 AM 3 weeks ago


MANILA, Philippines – Hindi bababa sa 60% o higit sa 500 matataas na opisyal ng pulisya ang nagsumite ng kanilang courtesy resignation bilang bahagi ng internal cleansing sa Philippine National Police (PNP), sinabi ni Interior Secretary Benhur Abalos noong Lunes.

“Right now, I would like to thank those who have already given their resignations. We’re nearing 60 percent,” ani Abalos sa interbyu sa CNN Philippines.

“Marami po kaming nare-receive na magagandang comments dito talagang yung mga support from the regional commanders, different services na lalabas at lalabas din ito. I would like to thank you, lahat po ng taong sumasama sa panawagang ito,” dagdag pa niya.

Noong nakaraang linggo, umapela ang Interior Secretary sa lahat ng PNP full colonels at generals na magsumite ng kanilang courtesy resignation bilang bahagi ng pagsisikap ng gobyerno na alisin sa puwersa ng pulisya ang mga opisyal na sangkot sa illegal drug trade.

Isang limang miyembro na komite, na kinabibilangan ng retired police general at Baguio City Mayor Benjamin Magalong, ang susuri sa mga pagbibitiw ng mga pulis.

Nauna rito, iniulat ni PNP Chief Rodolfo Azurin Jr. na malapit na sa 600 ranking police officials ang naghain ng kanilang courtesy resignation noong Enero 8. RNT