60 pares ikinasal sa Kasalang Bayan sa Pasay

60 pares ikinasal sa Kasalang Bayan sa Pasay

February 26, 2023 @ 2:44 PM 4 weeks ago


MANILA Philippines – Pinangunahan ni Pasay City Mayor Emi Calixto-Rubiano ang pagsasagawa ng Kasalang Bayan kung saan dinaluhan ito ng 60 pares ng magsing-irog na naganap nitong Sabado, Pebrero 25 sa Pasay City Astrodome.

Sa kanyang pribilehiyong pagsasalita ay binati ni Calixto-Rubiano ang 60 pares ng mga bagong kasal na magsing-irog na mga dati nang magkasintahan, mga nagkalayo at muling nagkabalikan na magsyota at mga bagong nagkakilala lamang.

Ayon kay Calixto-Rubiano, ang pagpapakasal ay hindi biro ngunit hindi rin biro ang pinagdaanan ng mga ito upang makarating ang araw ng kanilang pinakahihintay na pag-iisang dibdib.

Sinabi ni Calixto-Rubiano na ang Kasalang Bayan ay isang kaganapan bilang okasyon na pahabol sa buwan ng mga puso kung saan pinagkalooban ang 60 pares ng mga bagong kasal ng libreng aras, bouquet pati na rin ng kanilang handang pagkain.

“Alam ninyo sa puso at isipan ninyo na ang inyong katabi ngayon ay ang gusto ninyong makasama habang buhay. Ang una at huling boses na maririnig ninyo sa araw araw. Ang kamay na inyong kakapitan sa panahon ng takot, pangamba, pati na rin sa mga pagsubok ng buhay. Ang puso na inyong pupunuin at pangangalagaan ngayon at magpakailanman,” ani Calixto-Rubiano.

Dagdag pa ni Calixto-Rubiano na sa mag-asawa, ang simbolo ng pagmamahal ay walang hinihinging kapalit na sumisimbolo rin ng kahit anong mangyari sa mundo ay mananatili silang magkatabi bilang magkaibigan na kasama sa araw-araw at may katuwang sa pagharap sa buhay.

Bukod sa alkalde na tumayong ninang sa kasal ay dinaluhan din ang okasyon nina Congressman Tony Calixto; Vice Mayor Ding Del Rosario; Councilor Joey Calixto Isidro; Councilor Mark Calixto at iba pa na tumayo rin bilang mga ninong sa kasal. James I. Catapusan