60 sasakyan itinalaga para sa libreng sakay sa Parañaque

60 sasakyan itinalaga para sa libreng sakay sa Parañaque

March 6, 2023 @ 12:00 PM 3 weeks ago


MANILA, Philippines- Inihayag ni Parañaque City Mayor Eric Olivarez na aabot sa 60 behikulo ang kanyang itinalaga sa buong lungsod para sa “Libreng Sakay” ng mga pasahero bilang tugon sa ikinasang isang linggong transport ng mga jeepney drivers sa buong bansa na sinimulan ngayong Lunes (Marso 6) hanggang Marso 12 (Linggo).

Kasabay nito ay sinabi ni Olivarez na sinuspindi na rin ang pagpapatupad ng color-coding scheme sa lungsod sa isang buong linggo ng transport strike.

Sinabi ni Olivarez na ang lahat ng pribado at pampublikong eskwelahan sa lungsod ay ibinalik sa online classes bilang alternative learning method sa mga nag-aaral sa daycare hanggang sa mga estudyante sa kolehiyo sa loob ng isang linggong strike at agad na ibabalik ang face-to-face classes kapag natapos na ang strike ng mga jeepney drivers.

Sabi pa ni Olivarez, inanunsyo na rin sa lahat ng eskwelahan sa lungsod ni Department of Education Schools Division of Parañaque Superintendent Dr. Evangeline Ladines ang implementsyon ng asynchronous and synchronous method learning ng mga estudyante simula Marso 6 hanggang 10.

Dagdag pa ni Olivarez na isa pa sa dahilan ng pagbabalik sa online at modular classes ng mga estudyante sa lungsod ay bunsod ng pagpapatupad din ng tatlong araw na water service interruption ng Maynilad.

Sa pagkawala ng rasyon ng tubig ay siyam na barangay sa lungsod ang maapektuhan nito na nagsimula nitong Linggo at magtatapos ng hanggang Marso 7 (Martes).

Ayon sa Maynilad, ang implementasyon ng water service interruption ay bunsod sa gagawing repair ng kanilang 2.200 mm-diameter primary line sa panulukan ng Osmena Highway at Zobel Roxas Street, Makati City. James I. Catapusan