600 kabataan nakatanggap ng maagang Pamasko kay PBBM

600 kabataan nakatanggap ng maagang Pamasko kay PBBM

December 4, 2022 @ 12:22 PM 2 months ago


MANILA, Philippines – Sa kabila ng 21 araw pa bago ang Araw ng Pasko ay nakatanggap na ng maagang Pamasko ang 600 kabataan mula kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa Malakanyang.

May temang “Balik Sigla, Bigay Saya,” pinangunahan ni Pangulong Marcos ang nationwide gift giving activity sa Kalayaan Grounds sa Malacañan Palace.

Kasama ng Pangulo ang kanyang asawa na si Unang Ginang Louise Araneta-Marcos.

Sa naging talumpati ng Pangulo, binati ng Chief Executive ng “Merry Christmas” ang mga kabataan.

Ang nasabing event ani Pangulong Marcos ay isinagawa upang matiyak na ang bawat kabataan ay makararanas ng “yuletide celebration.”

“Napakasaya talaga at hindi kumpleto ang kahit anong Pasko kung hindi natin nakikita ang ngiti at tuwa ng ating mga anak, ang ating mga apo, ang ating mga kabataan,” ang wika ng Pangulo.

“This is a very, very happy day for me dahil tradisyon ito dati pa, dito sa Palasyo. Gumagawa kami ng children’s party ‘pag Pasko para naman lahat nakasiguro tayo lahat ng ating kabataan sa buong Pilipinas ay merong Pasko, may konting party, may konting gift-giving, may konting palaro, at lahat ‘yan,” dagdag na pahayag nito.

Ang gift giving activity ay sabay-sabay na isinagawa sa 40 na iba’t ibang lugar sa bansa.

Samantala, sa Malacañang grounds, naka-set up ang inflatables at iba pang  entertainment activities para sa mga kabataan para makapaglaro ang mga ito.

Kumanta rin ang mga kabataan ng “O Holy Night” at sinamahan naman ang mga ito ni Pangulong Marcos at ng kanyang asawa na si Unang Ginang Liza  Araneta-Marcos. Kris Jose