600 senior police officers susuriin ng five-man advisory group – PNP

600 senior police officers susuriin ng five-man advisory group – PNP

March 2, 2023 @ 11:07 AM 1 month ago


MANILA, Philippines – May kabuuang 600 third-level officials ng Philippine National Police (PNP) ang bubusisiin na ng five-member advisory body na inatasang tumingin sa courtesy resignations ng mga opisyal kung sila ba ay may kaugnayan sa illegal na droga.

Ayon kay PNP Public Information Office chief Col. Redrico Maranan, nagpatuloy ang formal meeting ng advisory body kaugnay ng evaluation process ng mga senior police officer.

Aniya, nagsimula na ang ikalawang pagpupulong ng advisory group kung saan nagkaroon sila ng recap sa kanilang sesyon noong Pebrero 24, kung saan 118 senior police officials ang isinailalim sa mas malalim pang pagsusuri.

“As for today, the 5-man advisory group processed 217 senior police officers after thorough evaluation while the remaining more than 600 are set to be evaluated in the coming weeks either in person or thru video conferencing,” ani Maranan, na itinalagang tagapagsalita ng advisory body.

Aniya, dumalo sa naturang pagpupulong sina PNP chief Gen. Rodolfo Azurin Jr., retired police general at Baguio City Mayor Benjamin Magalong, Office of the Presidential Adviser on Military Affairs Undersecretary Isagani Nerez, dating Defense Secretary Gilbert Teodoro at retired Court of Appeals Justice Melchor Sadang.

Sa oras na makitang walang rekord o impormasyon na may kaugnayan sa illegal na droga ang isang police officer na naghain ng courtesy resignation ay maaari itong bumalik sa kanyang serbisyo.

Sa kabilang banda, ani Maranan, kung makita naman na mayroong derogatory information ang isang senior officer ay ipapasa ito sa pagsusuri naman ng
the National Police Commission (Napolcom), at isusumite para sa dagdag pang validation at imbestigasyon.

“The five-man advisory group targets to finish the screening as soon as possible. However, assessment must be done expeditiously, always taking into consideration the objectivity, fairness and due diligence in the conduct of its proceedings,” sinabi ni Maranan.

Samantala, sinabi naman ni Azurin na miyembro ng advisory group, na pumayag ang mga ito na magkita dalawang beses isang linggo para sa screening process.

“We will be meeting twice a week. Ang next meeting namin will be Wednesday and Thursday, ‘yun ang napag-usapan namin para mabilis yung pag-evaluate and assess namin sa mga third level officers natin,” pagbabahagi ni Azurin.

Batay sa napagkasunduan, ang mga opisyal na tatanggapin ang resignation ay pwersahang magreretiro kahit gaano pa man katagal sana ang dapat na ilalagi nito sa PNP.

Ang panawagan ng courtesy resignation ni Abalos sa mga senior police officers ay kaugnay ng layunin na linisin ang ahensya laban sa illegal na droga. RNT/JGC