$6,000 tax exempt shopping purchase ng mga OFWs isinusulong

$6,000 tax exempt shopping purchase ng mga OFWs isinusulong

December 12, 2022 @ 2:31 PM 2 months ago


MANILA, Philippines – Isang panukalang batas ang inihain ni House Minority Leader Marcelino Libanan na nagsusulong na itaas sa $6,000 ang tax-exempt shopping purchase ng mga returning OFW’s at mga balikbayan kapag mamimili sa mga duty free shop na pinapangasiwaan ng Department of Tourism.

Ayon kay Libanan, nararapat lamang na itaas ang benepisyo ng mga OFW at mga balikbayan lalo pa at hindi na napapanahon ang batas sa Balikbayan Program na may 30 taon na, isinusulong ni Libanan na amyendahan ito sa pamamagitan ng inihaing House Bill 6472.

Sinabi pa niya na kapag naitaas ang tax exempt sa shopping spree ay mas mahihikayat ang mga ito na mamili sa mga duty-free shops sa halip na sa abroad na isang hakbang din para makatulong sa ekonomiya ng bansa.

Sa kasalukuyan ay nasa 3,500-dollars lamang ang tax exempt purchases sa mga duty free shop ng DOT.

May tatlong duty free shops ang DOT sa NAIA Terminals 1,2 at 3. Gail Mendoza