600,000 deboto nakiisa sa Pista ng Poong Itim na Nazareno

600,000 deboto nakiisa sa Pista ng Poong Itim na Nazareno

January 10, 2023 @ 6:51 AM 3 weeks ago


MANILA, Philippines – Lumagpas na sa kalahating milyong deboto ang nakiisa sa mga aktibidad sa selebrasyon ng Poong Itim na Nazareno, ayon sa Quiapo church operation  center.

Kahit walang naganap na Traslacion ngayong taon ay marami pa rin ang nagpakita ng kanilang debosyon sa Poong Itim na Nazareno.

Maraming mga deboto ang galing pa sa ibat-ibang lugar upang dumalo sa tatlong araw na aktibidad ng Quiapo Church.

Sa kabuuan, pumalo na sa 587,235 ang mga deboto na nagtungo sa Quiapo Church hanggang alas 12 ng hatinggabi ng Enero 9.

Ang mga pumila para sa Pagpupugay o  ang dating taunang Pahalik ay umabot sa 122,710 ang kabuuang crowd estimate.

Ngayong 2023 ay ang ikatlong taon nang nakansela ang Traslacion dahil pa rin sa pandemya, gayunman natuloy pa rin naman ang iba pang aktibidad.

May mga mangilan-ngilan na kinailangan ng medical assistance ngunit mga minor injuries lamang o karaniwan nang naitatala sa ganitong mga pagdiriwang tulad ng pagkahilo, nahihimatay, nahirapang huminga at nakaranas ng highblood.

Ang Pista ng Poong Itim na Nazareno ay hindi lamang ipinagdiriwang sa Maynila kundi sa iba pang probinsya tulad sa Naga Kung saan ipinagpatuloy ng mga organizer ang Traslacion ngunit hindi pinayagan ang Pahalik sa imahe.

Sa naunang pagtaya ng pamunuan ng Quiapo church at Manila Police District (MPD) aabot sa higit isang milyon ang deboto na dadagsa sa Quiapo at Quirino Grandstand. Jocelyn Tabangcura-Domenden