61 bagong kawani ng DAR hinamon ni Cruz ng DAR-Mimaropa sa pagpapaigting ng CARP

61 bagong kawani ng DAR hinamon ni Cruz ng DAR-Mimaropa sa pagpapaigting ng CARP

December 13, 2021 @ 7:14 PM 10 months ago


MANILA, Philippines- Upang tulungan ang ahensya sa pagpapaigting ng pagpapatupad sa Comprehensive Agrarian Reform Program may kabuuang 61 na kawani ng Department of Agrarian Reform (DAR) sa rehiyon ng Mimaropa ang nanumpa sa kanilang bagong posisyon kay Secretary Bernie F. Cruz, sa pamamagitan ng pisikal at virtual na seremonya, upang tulungan ang ahensya sa pagpapaigting ng pagpapatupad sa Comprehensive Agrarian Reform Program.

Sa press release ayon kay Cruz ang ahensiya ay maraming mga program at proyekto na kailangan ipatupad upang mapaunlad ang pamumuhay ng mga agrarian reform beneficiaries (ARBs) at inaasahan na ibibigay ng mga kawani ang lahat ng kanilang makakaya upang tulungan ang ahensya.

“Hinahamon ko na doblehin ninyo ang inyong pagsusumikap na ihatid ang hustisyang panlipunan na nararapat lamang ibigay sa ating mga magsasaka. Kailangan nating bigyan ng lupa ang mga magsasakang walang lupain, bigyan ng suportang serbisyo upang makatayo sa kanilang sarili at tulungan sa kanilang problemang legal sa agraryo,” ani Cruz.

Kaugnay nito bilang tumatayong kinatawan ng mga kawani ng Marinduque, tinanggap naman ng bagong hirang na Municipal Agrarian Reform Program Officer Anton Llanes ang hamon ng Secretary.

“Sa mga bagong posisyon na ipinagkatiwala sa amin, wala kaming dahilan upang hindi namin pag-igihan ang aming mga trabaho. Sa ngalan ng aking mga kasama dodoblehin namin ang aming pagsusumikap at narito lang kami para sa mga ARB sa mga darating pang panahon,” aniya.

Samantala bukod sa oath-taking ceremony, nagkaroon din ng soft launching ang DAR-Mimaropa ng coffee table book sa kanilang programang “Lawyers to the Benepisyaryo.”

Ang Lawyers to the Benepisyaryo ay base sa Agrarian on Wheels (ARJOW) na libreng legal assistance program ng DAR kung saan ang mga lawyer ng DAR ay pumupunta sa mga lugar ng farmer-beneficiaries at farmworkers na nangangailangan ng counseling.

Kaugnay nito  ayon kay Mimaropa Regional Director Marvin Bernal ang coffee table book ay nagdodokumento sa mga aktibidad ng mga abogado upang ipreserba ang karapatan ng mga magsasaka.  Santi Celario