61 patay sa illegal drugs campaign sa PBBM admin – PNP

61 patay sa illegal drugs campaign sa PBBM admin – PNP

January 11, 2023 @ 11:46 AM 2 weeks ago


MANILA, Philippines – Sa kabila ng binagong pamamaraan ng pamahalaan laban sa illegal na droga, umabot pa rin sa kabuuang 61 katao ang nasawi sa iba’t ibang operasyon ng mga awtoridad simula ng maupo si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. noong nakaraang taon.

Ito ay ayon kay Philippine National Police (PNP) spokesperson Col. Jean Fajardo kung saan sa pagitan ng Hulyo 1 hanggang Disyembre 31, 2022 ay mayroong 61 itinuturong drug offenders ang napatay sa anti-illegal drug operations ng pamahalaan.

“Kasama na po joint operation diyan with the Philippine Drug Enforcement Agency,” paliwanag ni Fajardo nitong Miyerkules, Enero 11.

Ayon naman sa Dahas, isang minotoring project na pinatatakbo ng University of the Philippines – Diliman, mayroon nang 175 drug-related killings sa bansa mula Hunyo 30 hanggang Disyembre 31, 2022.

Dahil dito ay umakyat na sa kabuuang 324 ang total death toll sa taong 2022, sakop ang mga huling buwan ng pamumuno ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.

“State agents still top the assailants, and pushers the top targets but hotspots have shifted from the National Capital Region and Negros Occidental to Davao City and Cebu,” ayon sa Dahas. RNT/JGC