618 pang kaso ng Omicron naitala ng DOH

618 pang kaso ng Omicron naitala ng DOH

January 27, 2022 @ 12:42 PM 8 months ago


Manila, Philippines – Inanunsyo ng Department of Health na mula sa 677 sample na na-sequence, 618 Omicron  variant case ang natukoy habang 35 naman ang Delta variant case sa huling batch ng whole genome sequencing ng Philippine Genome Center (PGC).

Ayon sa DOH, ang orihinal na Omicron lineange na B.1.1.529, at sub-lineage nito na BA.1 at  BA.2 ay natukoy na rin sa bansa.

Ang maagang detection ng BA.2 sub-lineange ay natukoy noong December 31, 2021 at natuklasan na majority ng kaso sa huling batch ay Omicron

Sa datos na nakalap ng DOH, UP-PGC, at UP-NIH pinapakita na walang makabuluhang pagkakaiba sa  BA.1 at BA.2 characteristic pagdating sa transmissibility o severity of disease.

Ang DOH ay patuloy na mag-iimbestiga kung bakit ang BA.2 ay naging mas laganap kaysa sa BA.1.

Ang 618 Omicron variant case ay binubuo ng  497 local case at 121 Returning Overseas Filipinos (ROFs).

Natukoy naman na may address na National Capital Region ang mga local cases  na may 238; CALABARZON na may  71 case; Ilocos Region at  Western Visayas na may tig-30 kaso; Eastern Visayas  na may 28 kaso; Central Luzon na may  27 kaso;  Central Visayas na may  20 kaso; Cagayan Valley na may  19 kaso; Cordillera Administrative Region (CAR) na may  13 kaso;  mayroon namang 10 kaso sa Davao Region; anim na kaso sa  SOCCSKSARGEN; tig-2 kaso sa  Bicol Region at  MIMAROPA; at isa naman sa  Northern Mindanao.

Sa case line list, 13 kaso ang nanatiling aktibo; dalawang kaso ang namatay; at 560 kaso ang na-tag bilang recovered habang 43 kaso ang biniberipika pa.

Sa kasalukuyan, lima na ang iniulat na namatay sa Omicron variant habang nasa 1,153 na ang kumpirnadong Omicron variant case. (Jocelyn Tabangcura-Domenden)