62 benepisyaryo makikinabang sa 70 ektaryang lupain mula DAR

62 benepisyaryo makikinabang sa 70 ektaryang lupain mula DAR

January 18, 2021 @ 7:12 PM 1 month ago

  •  
  •  
  •  

Manila, Philippines – Upang ipatupad ang tunay na repormang agraryo sa kanayunan, aabot sa 62 agrarian reform beneficiaries (ARBs) ang italaga ng Department of Agrarian Reform (DAR) sa 70-ektaryang lupain sa Cadiz City, North Negros Occidental.

Ayon sa DAR, ang lupaing nasasakop ay dating pag-aari ng Asuncion Agricultural Corporation na may titulong T-25408, na nasasakupan ng Lot No. 839, sa Barangay Burgos, Cadiz City, Negros Occidental.

Sinabi ni Municipal Agrarian Reform Program Officer (MARPO) Myrna Omaliao ang aktibidad ay naisagawa sa ilalim ng Land Acquisition and Distribution ng Comprehensive Agrarian Reform Program (CARP).

“Sa mandato nito, ang DAR ay maaaring kumuha ng pampubliko at pampribadong lupain upang ipamahagi sa mga kwalipikadong magsasaka para maging ARB. Ang mga ARBs ay pagkakalooban ng mga titulo ng lupa sa pamamagatitan ng pagbibigay ng certificates of land ownership award, na may sukat na isa hanggang tatlong ektarya kada magsasaka,” paliwanag ni Omaliao.

Ayon pa sa naturang opisyal mandato ng DAR na tiyakin ang seguridad ng mga magsasaka sa lupa, ihatid ang social equity, at ipagkaloob sa kanila ang mga kailangang tulong upang maseguro ang kanilang pagiging produktibo.

“Sana ang taong 2021 ay maghatid sa inyo ng pagasa dahil kayo ay nagmamay-ari na ng lupa na matagal na ninyong hinahangad. Maging responsible kayo at alagaan ninyo ito. Sundin ninyo ang obligasyon ninyo ayon sa batas na maghahatid sa inyo patungo sa magandang buhay,” aniya.

Dahil sa ang Negros Occidental ay nasa ilalim pa rin ng Modified General Community Quarantine (MGCQ), idinaos na aktibidad ng may pag-iingat alinsunod sa kautusan ng Inter-Agency Task Force on Emerging Infectious Diseases (IATF-EID) at Department of Health (DOH).  (Santi Celario)


  •  
  •  
  •