630 indibidwal benepisyaryo ng TUPAD sa Parañaque

630 indibidwal benepisyaryo ng TUPAD sa Parañaque

October 2, 2022 @ 1:10 PM 2 months ago


MANILA, Philippines – Tumanggap ng sertipiko ng pagtatapos ang nasa 630 indibidwal sa ginanap na aktibidad para sa ‘Tulong Panghanapbuhay Para sa Disadvantaged/Displaced Workers’ o TUPAD Program ng Department of Labor and Employment’s sa Parañaque City.

Ang programang emergency employment program ay ipinatutupad sa pakikipag-partnership sa tanggapan nina Parañaque City 1st District Rep. Edwin L. Olivarez at 1st District City Councilor Pablo “Pao” Olivarez II.

Ang mga benepisyaro na binubuo ng dalawang batch ay itinalaga sa iba’t-ibang pampublikong eskwelahan sa lungsod kung saan kanilang tinutulungan ang mga guro at punong-guro sa paglilinis ng classrooms at iba pang pasilidad gayundin ang pag-aalaga sa mga prutas na in-campus at vegetable gardens.

Ang bawat benepisyaryo ay makatatanggap ng halagang P7,980 bilang kabayaran sa apat na oras na pagtatrabaho kada araw sa loob ng dalawang linggo.

Sinabi ni Olivarez na malaki ang naitutulong ng emergency employment program sa mga nawalan ng pinagkakakitaan pati na rin sa mga nawalan ng trabaho dahil sa nagdaang pandemya at iba pang sakuna na dulot ng kalikasan.

“We are grateful to our DOLE partners for trusting us with the program implementation, and we look forward to continue helping more of our constituents through TUPAD,” ani Olivarez.

Ayon kay Olivarez, matapos ang inisyal na dalawang batch ng benepisyaryo ay ipoproseso na rin ng kanyang tanggapan ang susunod na mga batches na sasailalim din sa kaparehong work schedule ngayong Oktubre at Nobyembre.

Bukod sa pagtulong sa pananatili ng kalinisan sa mga pampublikong eskwelahan, ang mga benepisyaryo ng TUPAD ay sumailalim din sa disaster preparedness training sa kanilang huling araw ng pagtatrabaho sa pamamagitan ng Disaster and Risk Reduction Management Office (DRRMO) ng lungsod. James I. Catapusan