68-anyos caregiver kulong sa pananakit sa alagang 91-anyos

68-anyos caregiver kulong sa pananakit sa alagang 91-anyos

September 22, 2022 @ 6:59 PM 3 days ago


MANILA, Philippines – Dinakip ang isang 68-anyos na caregiver matapos makuhanan ng closed-circuit television (CCTV) camera na sinasaktan ang isang 91-anyos na lola sa Valenzuela City.

Arestado si Alicia Cervantes, 68, ng Longos St., Meycauayan City, Bulacan.

Ayon sa anak ng biktima na si Rodolfo, nakatanggap siya ng tawag mula sa kapatid na si Jean, na nagtatrabaho sa ibang bansa, at sinabi nito na nakita sa isang CCTV footage na sinasaktan ang kanilang ina ni Cervantes.

Ang naturang CCTV camera ay nakakabit sa bahay ng biktima sa Barangay Veinte Reales, Valenzuela, at konektado sa cell phone ni Jean.

Nang suriin ni Rodolfo ang CCTV recordings ay lumitaw na bumagsak ang kanyang ina sa sahig nang hilahin ng supek ng inuupuan nito.

Ayon sa pulisya, nagkaroon ng minor injuries ang biktima sa balikat at magkabilang braso, habang haharap ang suspek sa kasong slight physical injuries kaugnay ng Valenzuela City Ordinance na “Protection of Elderly Against Abuse.” Merly Iral