69% ng unvaccinated Pinoy, ayaw pa rin magpabakuna vs COVID-19

69% ng unvaccinated Pinoy, ayaw pa rin magpabakuna vs COVID-19

March 17, 2023 @ 9:10 AM 1 week ago


MANILA, Philippines – Mahigit tatlong taon na mula nang maitala ang kauna-unahang kaso ng COVID-19 sa bansa, 69% ng unvaccinated Filipinos ang nananatiling matigas pa rin at ayaw magpabakuna kontra sa nasabing sakit.

Sa resulta ng survey na isinagawa ng Social Weather Stations (SWS) sa pamamagitan ng face-to-face interviews mula Disyembre 10, 2022, hanggang Disyembre 14, 2022, lumabas na 12% lamang ng 1,200 respondents nito na unvaccinated adult Filipinos ang nagsabing handa na silang magpabakuna kontra COVID-19, habang 69% ang nagsabing ayaw pa rin nila.

19% naman sa mga ito ang undecided pa rin.

Ayon sa SWS, 87% o 62.6 milyon ng respondents nito ang bakunado na, ngunit naging mabagal ang pag-usad nito mula Abril 2022 hanggang Disyembre 2022.

Sa kanilang mga vaccinated respondents na nakatatanggap pa lamang ng hanggang isang dose, 44% ang nagsabing ayaw nila tumanggap ng booster shots at 32% ang nagsabing nagdadalawang-isip silang kumuha nito.

Samantala, mas mataas naman ang pagnanais ng mga nakatanggap na ng third vaccine dose na kumuha pa ng ikalawang booster shot sa 55%, kumpara sa 32% na nagsabing ayaw na nilang kumuha ng ikalawang booster shot.

Nauna nang sinabi ng Department of Health na umabot sa 50 milyon doses ng COVID-19 ang nasayang at isa sa itinuturong dahilan nito ay ang vaccine hesitancy o ayaw pa ring magpabakuna. RNT/JGC