6,900 primary care facility sa 2040, layong itatag ng DOH

6,900 primary care facility sa 2040, layong itatag ng DOH

November 19, 2022 @ 11:28 AM 2 weeks ago


MANILA, Philippines – Nilalayon ng gobyerno na magtatag ng 6,900 primary care facility sa taong 2040, sinabi ng Department of Health.

Sa paglulunsad ng primary care day sa Manaoag, Pangasinan, sinabi ni DOH Officer-in-Charge Maria Rosario Vergeire na higit 3,800 primary health care facilities na ang naitatag na sa iba’t ibang bahagi ng bansa, na marami sa mga ito ay mga pampublikong pasilidad.

Pero aminado ang opisyal na sa kabila ng pag-abot sa mahigit kalahati sa 2040 target, ay marami pa rin ang kailangang gawin.

Paliwanag ni Vergeire, kung mayroong pasilidad ay dapat maaccredit ito ng PhilHealth. Sa ngayon aniya, ang accredited na primary health care facility ay nasa 259 lamang.

“So ‘yung 259 out of the 3,800 ay malaki pa rin ang kailangan pagtrabahuhan ng DOH at PhilHealth so that we can accredit at makapagbigay tayo ng libreng serbisyo sa ating mga kababayan,” anang health OIC.

Sa lalawigan ng Pangasinan, may 25 primary care facilities na ayon kay Vergeire ay isa nang tagumpay.

Alinsunod din sa layunin nitong maibaba ang komprehensibong serbisyo sa pangunahing pangangalaga sa antas ng komunidad sa buong bansa, inilunsad ng DOH ang kampanyang “Konsultayo Arangkada” campaign.

Bukod sa konsultasyon, laboratory tests, breast at cervical cancer screening, ang Konsultayo Arangkada Van ay idedeploy para magbigay ng mobile primary care services sa ibat-ibang komunidad sa munisipalidad.

“This is one of many initiatives of the DOH to make healthcare more accessible and improve our country’s health outcomes, especially in far-flung and underprivileged areas. With primary care, we will be able to reach every Filipino and provide them the care they deserve to enable them to lead healthy, productive, and fulfilling lives,” pahayag ni Vergeire. Jocelyn Tabangcura-Domenden