6K toneladang basura galing Korea, tinapon pabalik ng BOC

6K toneladang basura galing Korea, tinapon pabalik ng BOC

August 5, 2020 @ 5:08 PM 2 months ago

  •  
  •  
  •  

Manila, Philippines – Naipatapon na pabalik sa pinanggalingang bansa ang tinatayang nasa mahigit 6,000 metriko tonelada ng “illegal Korean waste” sa pamamagitan ng pagsisikap ng pamunuan ng Bureau of Customs-Port of Cagayan de Oro at Mindanao Container Terminal (MCT) Subport.

Ayon sa BOC, ang huling 80 containers na naglalaman ng mga Korean waste ay naibiyahe na pabalik sa Pyeongtaek City, South Korea kahapon sakay ng “MV MAHIA”.

Nabatid sa BOC na noong buwan pa ng Enero nila sinimulan ang pagbabalik ng may 251 container ng mga basura na galing sa Korea ngunit naantala umano ito dahil sa mahigpit na pagpapatupad ng mga alituntunin bunsod na din ng nararanasang pandemya dulot ng COVID-19.

Ang isinasagawang “re-exportation” ng mga basura sa South Korea ay dahil sa kabiguan ng consignee na makakuha ng kaukulang import permit mula sa Department of Environment and Natural Resources (DENR) at dahil na rin sa maling deklarasyon nito kung saan idineklara nila itong mga “plastic synthetic flakes.”

Sinuri ng mga tauhan ng Environmental Management Bureau (EMB) ng DENR-Region X ang mga nasabing kargamento na naka-consigned sa Verde Soko Philippines Industrial Corporation at nadiskubre na naglalaman ito ng mga “household hazardous waste”.

Sa magkahiwalay na araw, ang Verde Soko Philippines ay nagdala sa bansa ng isang kargamento na naglalaman ng 5,176.91 metriko tonelada ng iba’t-ibang klase ng plastic at waste materials kung saan sinundan pa ito ng isang 51 na 40-foot containers na idineklarang naglalaman ng mga plastic synthetic flakes.

Dahil dito, agad na ipinag-utos ni Customs Commissioner Rey Leonardo Guerrero ang agarang re-exportation sa mga nabanggit na kargamento. Ang naturang “re-exportation order” ay bunsod sa umiiral na probisyon ng Republic Act 10863 (Customs Modernization and Tariff Act), Republic Act 6969 (Toxic Substances and Hazardous and Nuclear Wastes Control Act), at ng “Basel Convention on the Control of Transboundary Movements of Hazardous Wastes and Their Disposal”.

“The action of the Bureau against the illegal Korean waste is a clear signal to all concerned that our country is not a global dump and that waste traffickers will be held accountable to the fullest extent of the law.” ani MCT Subport Collector John Simon. Jay Reyes


  •  
  •  
  •  

Loading...