6K ‘tourist-trained’ pulis magbabantay ngayong kapaskuhan

6K ‘tourist-trained’ pulis magbabantay ngayong kapaskuhan

November 29, 2022 @ 4:12 PM 2 months ago


MANILA, Philippines- Halos 6,000 tourist-oriented na mga pulis ang nakatakdang ipakalat simula sa Huwebes sa mga lugar kung saan inaasahan ang pagdagsa ng mga tao sa nalalapit na Pasko at Bagong Taon, ayon sa opisyal ng Philippine National Police (PNP).

“Iyong ating mahigit 6,000 na tourist-trained police ay asahan ninyo na this early ay nandiyan na po sila para maramdaman ng ating mga kababayan kasama ang kanilang mahal sa buhay na sila ay ligtas at makakapag-enjoy po ng kanilang bakasyon,” ani PNP spokesperson, Col. Jean Fajardo nitong Lunes.

Nagtalaga na rin ng karagdagang mga pulis sa mga mall, pamilihan at bazaars.

Hindi pinapayagan ang police personnel na mag-leave ngayog kapaskuhan bilang bahagi ng heightened security measures para sa okasyon.

Inihayag ni Fajardo na alinsunod ito sa utos ni PNP chief, Gen. Rodolfo Azurin Jr., para sa karagdagang police presence at visibility ngayong holiday season.

Pinaalalahanan din niya ang publiko na mag-ingat sa pekeng pera sa Christmas shopping rush.

Hinikayat niya ang publiko na i-turn over ang pekeng pera sa mga banko o maghain ng reklamo laban sa indibidwal o mga establisimiyento na pinagmula ng pekeg pera.

“Ang payo natin sa kababayan ay maging alerto. ‘Yung ating personal security and safety ay lagi nating i-una at i-priority. Alam natin na excited tayo mamasyal at makihalubilo lalong lalo na yung Simbang Gabi,” paalala ni Fajardo. RNT/SA