6M BAHAY SA MGA WALANG BAHAY

6M BAHAY SA MGA WALANG BAHAY

September 24, 2022 @ 6:48 PM 2 months ago


PANGARAP ng pamahalaan ni Pangulong Bongbong Marcos na magtayo anim na milyong tahanan sa loob ng anim na taon niyang panunungkulan. 

‘Yun bang === 1 milyon ang itatayo bawat taon. 

Kung iisipin, mga Bro, hindi imposibleng pangarap ito kung seseryosohin lamang. 

Kailangan din lang ang maayos na paghahanda ng lahat ng mga kailangan para sa programang ito mula sa pondo, pagtatayuang lupa, kung isahan o dalawahang palapag o high rise,  pagtutulungan ng iba’t ibang ahensya ng pamahalaan at pribadong sector at iba pa. 

QUEZON CITY BUMUSINA AGAD 

Bumusina agad ang pamahalaan ng Quezon City sa ilalim ni Mayor Joy Belmonte para tumulong sa pagtatayo ng mga bahay para sa mahihirap at walang bahay. 

Dito kitang-kita kung paano makatutulong ang mga lokal na pamahalaan sa pagtupad ng pangarap na pabahay. 

Maglalabas ang Belmonte government ng sarili nitong pondo para iambag sa ikatatagumpay ng programa. 

Marahil, bukod sa sarili nitong yaman, kukurot din ang lokal na pamahalaang ito ng pondong mula sa internal revenue code na lumaki na dahil sa tinatawag na Mandanas ruling ng Supreme Court. 

Lumaki ang IRA ng mga lokal na pamahalaan dahil hindi na lamang sa kita ng Bureau of Internal Revenue makikibahagi kundi maging sa kita ng Bureau of Custom at iba pang mga pambansang ahensya ng gobyernong may kita. 

Saludo tayo kay Mayor Joy at ang buong pamahalaan nito sa inisyatiba nilang pagsali sa ikatatagumpay ng programa.  

PAANO ANG IBA? 

Mayroon nang naunang mga pabahay ng iba pang mga lokal na pamahalaan gaya ng Mandaluyong City, Valenzuela City, Manila at iba pa. 

Makibalita na lang kayo, mga Bro, kung paano nagtagumpay o nabigo o nasalaula ang mga programang ito. 

Sa hanay ng pambansang pamahalaan, naging malaganap ito noong panahon ng mag-asawang Manong Ferdie at Madam Imelda Marcos na mga magulang ni Pang. Bongbong. 

Naririyan hanggang ngayon ang mga nakatayo pang proyektong BLISS o Bagong Lipunan Improvement of Sites and Services na itinayo noong 1979 at tinarget na lagyan ng sampol ang lahat ng 1,600 na munisipyo at lungsod noon. 

Kompleto rekado ang nasa limang palapag na mga gusali noon dahil malalapit sa mga iskul, palengke at may mga malalapit na paghanapbuhayan. 

Mababa rin ang mga upa o bayad hanggang sa mapatituluhan ang mga ito ng mga mamamayan. 

Aba, sino ang hindi matutuwa na magkaroon ng tahanang doon mo ipupundar ang iyong pamilya, mga pangarap sa buhay at iba pa? 

HUWAG BABUYIN  

Kung matutupad ang pangarap na ito, higit na maganda kung walang mambababoy rito. 

‘Yun bang === huwag gawing gatasan o nakawin ang mga pondo na ilalaan dito at huwag gawing substandard ang mga itatayong bahay. 

Dahil kung mangyari ang mga ito, anak ng tokwa, ang tahanang pangarap ay hindi lang guguho kundi maglalaho. 

Masasayang ang mga buwis na pinaghihirapang ialay ng mga mabubuting mamamayan para sa ikabubuti ng buong bayan. 

Seryoso ang pamahalaang Bongbong Marcos sa pagtupad ng pangarap na pabahay, lalo na sa mahihirap, kaya naman, dapat magtulong-tulong ang lahat para sa ikatutupad nito at huwag hayaang isawsaw ng mga korap at mapagsamantala ang kanilang mga daliri rito.