6M housing units target itayo sa termino ni PBBM

6M housing units target itayo sa termino ni PBBM

September 12, 2022 @ 6:20 PM 2 weeks ago


MANILA, Philippines – Nasa isang milyon kada taon o kabuuang anim na milyong housing units sa loob ng anim na taon ang target na maipatayo ng Department of Human Settlement and Urban Development (DHSUD).

Ito ang inihayag ni Housing chief Jose Rizalino Acuzar sa budget briefing ng House Committee on Appropriations matapos syang usisain ni Valenzuela City Rep. Eric Martinez sa kung ano ang plano ng pamahalaan sa malaki pang backlog sa pabahay.

Ani Acuzar sa 2023 budget ng DHSUD ay 500,000 residential units ang planong maipagawa sa National Capital Region habang ang iba ay sa ibat ibang rehiyon ng bansa.

Kaugnay nito, hinimok ni Martinez ang DHSUD na tignan ang mga ‘idle’ o hindi naman nagagamit na lote ng gobyerno bilang posibleng pagtayuan ng socialized housing project.

Iminungkahi din ng mambabatas na i-prayoridad na maging benepisyaryo ng government housing projects ang mga public school teacher, health care worker o medical frontliner, ang mga tinatawag na uniformed personnel at iba pang state workers.

Sinabi ni Martinez na sa kanyang lugar sa Valenzuela ay mayroong nakatiwangwang na lote na pagmamar-ari ng Department of Information and Communications Technology (DICT), aniya, maaari itong mapakinabanggan at ang ganitong lote ay maaaring tayuan ng high rise housing.

“Mayroon po kami sa Valenzuela City, it’s a government lot, ng DICT. And since it is an idle lot, matagal na talaga siyang hindi nagagamit. Hopefully you could look into it, na itong mga government idle lot na ito, na marami sa NCR, ay maging site for housing projects.”pahayag ni Martinez.

Sa ilalim ng proposed P5.268 trillion national budget for fiscal year 2023, ang DHSUD ay makatatanggap ng kabuuang P4.029 billion na pondo; mas mababa ng 48% kumpara sa 2022 budget ng ahensya na P7.67 billion. Gail Mendoza