7-11 heist, posibleng may inside job- MPD

7-11 heist, posibleng may inside job- MPD

January 5, 2022 @ 6:18 PM 7 months ago


MANILA, Philippines- Masusing iniimbestigahan ngayon ng pamunuan ng Manila Police District  (MPD) kung “inside job” ang naganap na insidente ng panloloob sa isang sangay ng 7-11 convenience store sa  George Bocobo St., kanto ng T.M Kalaw St., Ermita, Maynila.

Ayon sa ulat, naganap ang 7-11 heist noong Enero 2, alas-2:15 ng madaling araw.

Binuksan ng mga suspek ang pintuan ng convenience store gamit ang “barreta de kabra” upang mapasok ang nasabing establisimyento.

Naaresto naman ang mga suspek sa pamamagitan ng kuha ng CCTV na sina Jershelle Ross Gonzales; Darwin Damian, 23; at Angelito Labao, 21, at pawang mga residente ng Tondo, Maynila.

Sa inisyal na imbestigasyon, sinabi ng store duty clerk na isinarado nito ang convenience store upang makapaghinga sa loob ng opisina.

Nang makarinig ng kalabog ay nagising ito at nang i-check ang tindahan ay nakita ang mga suspek sa loob ng 7-11 kaya agad itong nagkulong sa opisina saka tumawag sa pulisya.

Gamit ng mga suspek ang isang motorsiklo na may sidecar kung saan isinakay ang vault ng 7-11 na naglalaman ng kinitang P182,000.

Gayunman, hindi na narekober pa ng pulisya ang lamang pera maliban sa vault bagamat naresolba  agad matapos maaresto sa loob lamang ng dalawang araw.

Tinitignan ang anggulong “inside job” dahil batay sa kuha ng CCTV, sinabi ni Francisco na hindi na naghanap pa ang mga suspek ng kukunin.

Napag-alaman din kay Francisco na konektado rin ang mga suspek sa nangyari namang panloloob sa isa ring sangay ng 7-11 sa Binondo, Maynila noong nakaraang taon.

Nanawagan naman ito sa iba pang nabiktima ng mga suspek na dumulog lamang sa MPD upang mas mapalakas ang ebidensya at kasong isasampa laban sa mga ito. Jocelyn Tabangcura-Domenden